Home METRO Higit 100 pang patay na alagang hayop, natagpuang itinapon sa Bulacan

Higit 100 pang patay na alagang hayop, natagpuang itinapon sa Bulacan

3
0

BULACAN — Mahigit 100 pang labi ng mga alagang hayop ang natagpuang itinapon sa iba’t ibang lugar sa San Jose del Monte City, Bulacan.

Ayon sa Luna and Furry Siblings Animal Welfare Rescue, nasa iba’t ibang estado na ng pagkabulok ang mga labi, habang ang ilan ay hindi na umano makilala.

Sinabi ni foundation founder Chris Taylor na tinatayang nasa 120 bag o higit pa ang kanilang nakita sa mga lugar na sinuri.

Inaalam pa kung saan nagmula ang mga labi at kung may kaugnayan ang mga ito sa mga veterinary clinic, crematorium o iba pang pet aftercare service providers.

Nakikipagtulungan na ang grupo sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa pagkuha at pagsusuri sa mga labi.

Ayon kay Taylor, malawak ang lawak ng insidente kaya kakailanganin din umano ang tulong ng city government, City Environment and Natural Resources Office at public health personnel.

Nauna nang natuklasan ang isa pang tapunan ng patay na mga alagang hayop sa San Jose del Monte na iniuugnay umano sa isang pet crematorium sa Bacoor, Cavite.

Samantala, sinabi ni Philippine National Police spokesperson Col. Allen Rae Co na susuriin ang komposisyon ng mga abo upang matukoy kung tunay na mula sa mga alagang hayop ang mga ito.

Ayon sa PNP, kabilang sa mga posibleng kasong tinitingnan sa ngayon ang estafa at civil damages, ngunit nakadepende pa ito sa resulta ng imbestigasyon at ebidensiyang makakalap.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng mga labi at kung sino ang maaaring managot sa insidente. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here