WASHINGTON — Inamin ni US President Donald Trump na nakaapekto ang giyera sa Iran sa pagkatalo ng kanyang Republican Party sa 2026 midterm elections, ngunit iginiit niyang kinakailangan ang naturang hakbang.
Nawalan ng kontrol sa US Congress ang Republicans matapos makuha ng Democrats ang mayorya sa parehong House of Representatives at Senate.
Ayon kay Trump, naging dahilan din ang giyera sa pagtaas ng presyo ng gasolina, na itinuturing na isa sa mga isyung nakaimpluwensya sa mga botante.
Gayunman, sinabi ng Pangulo na wala siyang babaguhin sa kanyang naging desisyon dahil layunin umano ng kanilang hakbang na pigilan ang Iran na magkaroon ng nuclear weapon.
Sinabi rin ni Trump na sang-ayon siya sa naging pahayag ni Vice President JD Vance na kabilang ang giyera sa mga dahilan ng pagkatalo ng kanilang partido.
Iginiit naman ni Trump na kung siya mismo ang nakalagay sa balota, naniniwala siyang mas magiging maganda ang resulta para sa Republicans.
Ayon sa kanya, hindi umano naipasa sa mga Republican candidates ang suporta at entusiasmo na natatanggap niya mula sa kanyang mga tagasuporta sa campaign rallies.
Sa kabila ng resulta ng halalan, sinabi ni Trump na ipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang ginagawa nito kaugnay ng Iran.
Ang pagkontrol ng Democrats sa Kongreso ay inaasahang magbibigay sa kanila ng mas malaking kapangyarihan upang kuwestiyunin ang mga polisiya ng Trump administration, magsagawa ng congressional investigations at hadlangan ang ilang legislative priorities nito. RNT