BATANGAS CITY — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ceremonial first gas activation ng Malampaya Phase 4 Project sa Tabangao Ambulong, Batangas City.
Ayon kay Marcos, mahalagang hakbang ang proyekto upang magkaroon ang bansa ng mas maaasahan at matatag na suplay ng enerhiya gamit ang sariling natural gas resources ng Pilipinas.
Sinabi ng Pangulo na ang paggamit ng Malampaya gas ay inaasahang makatutulong din sa mga consumer sa pamamagitan ng mas malakas na kumpetisyon sa energy market sa gitna ng mataas na presyo ng kuryente.
Aniya, makatutulong ang Malampaya upang mabawasan ang pagdepende ng Pilipinas sa imported energy sources na maaaring maapektuhan ng pagbabago at kawalang-katiyakan ng presyo sa pandaigdigang merkado.
Binigyang-diin ni Marcos na mahalaga ang Malampaya Phase 4 Project sa pagsusulong ng energy security at mas malaking paggamit ng domestic energy resources.
Dagdag niya, lalo itong mahalaga habang patuloy na lumalaki ang pangangailangan ng bansa sa enerhiya kasabay ng paglago ng ekonomiya.
Nauna nang sinabi ng pamahalaan na bahagi ang Malampaya Phase 4 ng pagsisikap na palakasin ang lokal na produksyon ng natural gas at bawasan ang exposure ng Pilipinas sa imported fuel.