MANILA, Philippines – Tinatayang umabot na sa 16.8 milyong filipino ang iniulat ng Malakanyang na nakinabang sa mga proyektong pangkaunlaran ng pamahalaan sa ilalim ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nasa 5,638 na mga barangay na ang nakatanggap ng kabuuang P44.90 bilyong piso na halaga ng mga proyekto.
Kabilang dito ang naitatag na 978 silid-aralan, 1,601 kilometrong farm-to-market roads, 1,182 water facilities and sanitations at 556 health stations.
Sa kabilang dako, umabot na rin sa 33,381 na mga barangay sa 62 lalawigan at siyam na rehiyon ang mayroong matatag na internal peace and security status.
Kaugnay nito ay binigyang diin ni Castro na ang nais ni Pangulong Marcos Jr. ay matiyak na makarating sa bawat barangay ang mga serbisyo at oportunidad ng pamahalaan, mula sa edukasyon at imprastraktura hanggang sa trabaho at kabuhayan. (KRIS JOSE)