Home NATIONWIDE PTFoMS pabor sa decriminalization ng libel

PTFoMS pabor sa decriminalization ng libel

3
0

MANILA, Philippines – Suportado ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang panawagang i-decriminalize ang libel, kasabay ng paalala sa mga mamamahayag na maging patas, balanse at responsable sa kanilang pagbabalita.

Sinabi ni PTFoMS executive director Undersecretary Jose Torres Jr. na nananatiling mahalaga ang pagkakaroon ng libel law upang maprotektahan ang mga mamamayan, ngunit hindi aniya dapat ituring na criminal offense ang paglabag dito.

“It’s okay that there is a libel law, but it should not be a criminal offense,” sinabi ni Torres sa isang media safety training sa Ipil, Zamboanga Sibugay.

Aniya, bahagi ng paggamit ng freedom of expression and opinion ang trabaho ng mga mamamahayag.

“It is good and interesting to seriously study the decriminalization of libel,” dagdag niya.

Gayunman, sinabi ni Torres na kailangan ding pag-aralan kung ano ang magiging kapalit na pananagutan sakaling gawing civil offense na lamang ang libel, lalo na kung hindi kayang bayaran ng akusado ang ipinataw na danyos.

Kasabay nito, hinikayat niya ang mga mamamahayag na maging mas maingat at responsable sa kanilang trabaho at tiyaking patas ang kanilang pag-uulat upang maiwasan ang mga kasong libel.

Samantala, pinuri ni Brig. Gen. Samuel Yunque, commander ng 102nd “Igsoon Trooper” Brigade, ang media bilang katuwang sa pagsusulong ng kapakanan ng publiko.

Ayon kay Yunque, mahalagang igalang ng militar ang kalayaan at independence ng media kahit magkaiba ang kanilang tungkulin.

“The military must respect the media’s independence. Our professions have different roles, but both demand courage, integrity and accountability to the Filipino people,” aniya.

Dagdag niya, habang tungkulin ng mga sundalo na protektahan ang mamamayan at bansa, tungkulin naman ng mga mamamahayag na magbigay ng impormasyon, hanapin ang katotohanan at tumulong sa pangangalaga ng demokrasya.

Ang 102nd Brigade ang nag-host ng media safety training sa Ipil, Zamboanga Sibugay. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here