MANILA, Philippines – Suportado ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang panawagang gawing mas transparent ang proseso ng pambansang badyet, kabilang ang pagbubukas sa publiko ng mga dokumentong sumusuporta sa mga proyekto ng gobyerno.
“Walang dapat itago kung walang ginagawang mali. At walang dapat katakutan kung ang layunin ay maglingkod nang tapat,” sinabi ni Dy.
Binigyang-diin niya na pera ng taumbayan ang pambansang badyet kaya may karapatan ang publiko na malaman kung paano ito ginagastos.
Dumating ang pahayag kasunod ng pagkuwestiyon ng People’s Budget Coalition sa ₱170 bilyong pagtaas sa pondo para sa multi-purpose buildings at local road projects.
Kinuwestiyon din ng grupo ang walong farm-to-market road projects na lumabas na may coordinates na nasa karagatan.
Nilinaw naman ng Department of Agriculture na typographical error ang maling coordinates ng walong proyekto.
Iginiit naman ni Dy na hindi dapat agad ituring na anomalya ang lahat ng pagbabagong ginagawa ng mga mambabatas sa panukalang badyet.
“Hindi lahat ng pagbabagong ginagawa ng Kongreso sa badyet ay mali. Tungkulin ng mga kongresista na ipaglaban ang pangangailangan ng kanilang mga distrito,” aniya.
Ayon sa Speaker, mahalagang maayos ang mga proyekto, kumpleto ang mga kaukulang dokumento at may tunay na pakinabang sa publiko.
Suportado rin niya ang mga repormang magtitiyak na ang ayuda at serbisyo ng gobyerno ay maibibigay batay sa pangangailangan ng mamamayan at hindi sa political connections.
Sinabi ni Dy na handa ang Kamara na makipagtulungan sa Senado, mga ahensya ng ehekutibo at civil society organizations upang matiyak na mapupunta ang pondo sa mahahalagang pangangailangan gaya ng food security, healthcare, education, employment, infrastructure at paghahanda sa El Niño.
Naaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang ₱7.2-trilyong national budget para sa 2027, habang patuloy pa itong dinidinig sa Senado. RNT