Home TOP STORIES Kampo ni Joseph Sy: Akusasyon hindi hatol, citizenship issue dapat resolbahin sa...

Kampo ni Joseph Sy: Akusasyon hindi hatol, citizenship issue dapat resolbahin sa korte

4
0

MANILA, Philippines — Iginiit ng kampo ng negosyanteng si Joseph C. Sy na hindi dapat ituring na patunay ng pagkakasala ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanya kaugnay ng kanyang citizenship at umano’y national security concerns, habang patuloy na dinidinig sa mga korte at Senado ang usapin.

Sa pahayag ni Atty. Alma D. Fernandez-Mallonga ng Siguion Reyna, Montecillo & Ongsiako Law Offices, sinabi niyang hindi sinadyang lumiban ni Sy sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights noong Nobyembre 5.

Ayon kay Mallonga, dinala si Sy sa emergency room ng Makati Medical Center matapos sumama ang pakiramdam nito. Sinabi rin niyang handa sanang dumalo si Sy at magsusumite ang kanilang kampo ng kaukulang medical documents.

Humiling naman si Sen. Risa Hontiveros ng medical certificate at ipinaberipika sa Senate clinic ang kondisyon ni Sy. Inaasahan din ng senador ang pagdalo nito sa susunod na pagdinig.

Mariin ding tinututulan ng kampo ni Sy ang alegasyong hindi siya Pilipino.

Binanggit nila ang desisyon ng Court of Appeals noong Pebrero 20, 2026, na nagsabing ang kanyang umiiral na birth certificate ay prima facie evidence ng mga impormasyong nakasaad dito, kabilang ang kanyang citizenship, at nananatiling may presumption of validity hangga’t hindi ito nakansela sa tamang judicial proceeding.

Gayunman, sa pagdinig noong Nobyembre 5, sinabi ng Philippine Statistics Authority na nakakita ang Fraud Management Division nito ng ebidensya ng umano’y pekeng dokumentong ginamit sa proseso ng late registration ng kapanganakan ni Sy.

Kinumpirma rin ng Office of the Solicitor General na naghain ito noong Oktubre 12 ng petition para sa cancellation ng birth record ni Sy. Nakatakda ang initial hearing sa Enero 27, 2027.

Kabilang din sa mga isyung sinagot ng kampo ni Sy ang naunang pag-uugnay sa kanya sa espionage at national security concerns.

Sa Senate hearing noong Disyembre 15, 2025, iniulat na sinabi ng National Intelligence Coordinating Agency na wala itong nakitang matibay na ebidensya noon na nag-uugnay kay Sy sa espionage o katulad na ilegal na aktibidad, habang sinabi naman ng National Security Council na hindi pa nito matukoy noong panahong iyon kung national security issue ang kaso.

Noong Oktubre 7, naglabas naman ang Supreme Court ng writ of preliminary mandatory injunction na nag-utos sa pagpapalaya kay Sy matapos mag-post ng P900,000 bond.

Nilinaw naman ng Bureau of Immigration na ang naturang kautusan ay tumutukoy sa legalidad ng kanyang detention at hindi pa pinal na resolusyon sa pinagtatalunang citizenship at identity ni Sy.

Ayon sa kampo ni Sy, iginagalang nila ang kapangyarihan ng Senado na magsagawa ng imbestigasyon ngunit naninindigan silang dapat resolbahin sa naaangkop na judicial proceedings ang usapin sa kanyang birth record at citizenship.

Iginiit din nila na hindi humihingi si Sy ng espesyal na pagtrato kundi ng due process at patas na pagkakataong sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.

Samantala, nananatiling nakabinbin sa hukuman ang mga legal na usapin kaugnay ng kanyang citizenship records, habang nagpapatuloy din ang Senate inquiry at ang petition ng OSG para kanselahin ang kanyang birth registration. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here