Home NATIONWIDE PH envoy umaasang magbabago US immigration policy sa Democrats win

PH envoy umaasang magbabago US immigration policy sa Democrats win

1
0

MANILA, Philippines – Umaasa si Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel Romualdez na maaaring magkaroon ng pagbabago sa immigration policy ng Amerika matapos makuha ng Democratic Party ang kontrol sa US Congress sa katatapos na midterm elections.

Ayon kay Romualdez, posibleng makatulong ang pagbabago sa polisiya upang mabawasan ang pangamba ng ilang Pilipinong may kuwestiyonableng immigration status sa US, sa gitna ng mahigpit na kampanya ng administrasyong Trump laban sa illegal immigrants.

“Some of the policies that affect us, including ‘yung sa immigration, there could be some changes dahil the Democrats have been pushing for a different approach especially in the detention at saka arrest ng mga illegal aliens sa United States,” sinabi ni Romualdez sa panayam sa Super Radyo dzBB.

“Hopefully it would be a different kind of approach, maybe. But we will see what happens,” dagdag niya.

Sinabi ng embahador na regular na nakikipag-ugnayan ang Philippine Embassy sa Washington DC sa US Department of Homeland Security upang matukoy kung paano matutulungan ang mga Pilipinong naaapektuhan ng mahigpit na immigration policies.

Nauna nang hinimok ni Romualdez ang mga Pilipinong may kuwestiyonableng immigration status na pag-isipang kusang umalis sa US kasunod ng paghihigpit ng administrasyong Trump sa immigration at visa policies.

Pinayuhan din ng Philippine Embassy ang mga Pilipinong may problema o agam-agam tungkol sa kanilang immigration status na kumonsulta sa kuwalipikadong US immigration lawyer o kinikilalang legal service provider.

Samantala, sinabi ni Romualdez na hindi niya inaasahang magkakaroon ng malaking epekto sa relasyon ng Pilipinas at Estados Unidos ang pagkontrol ng Democrats sa Kongreso.

“Para sa atin, it will not be too much of an effect dahil marami tayong kaibigan both from the Democrats at saka sa Republicans,” aniya.

“We have a bipartisan support from the US Congress. So I think it will be the same,” dagdag ng embahador. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here