MANILA, Philippines – Natagpuang patay ang isang bagong silang na sanggol sa comfort room ng isang restaurant sa Barangay Poblacion 3, Nagcarlan, Laguna noong Miyerkules ng umaga, Nobyembre 4.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakarinig umano ang isang waitress ng mahinang tunog na tila iyak ng sanggol mula sa loob ng banyo.
Nang siyasatin niya ang lugar, binuksan niya ang takip ng ceramic water tank ng inidoro at doon nakita ang katawan ng sanggol na nakalubog sa tubig.
Wala nang nakitang senyales ng paggalaw o paghinga ang sanggol.
Agad na ipinaalam ng waitress sa restaurant management ang insidente, na siya namang nag-report nito sa pulisya.
Nakipag-ugnayan ang mga awtoridad sa Municipal Social Welfare and Development Office at Municipal Health Office para sa kaukulang pagproseso sa labi ng sanggol.
Kalaunan, dinala ang labi sa isang funeral parlor.
Patuloy namang tinutukoy ng mga awtoridad kung sino ang responsable sa pag-iwan sa sanggol sa loob ng comfort room.