MANILA, Philippines – PINANGASIWAAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panunumpa sa posisyon ng kanyang 10 ad interim appointees na mamumuno sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Sa isang seremonya sa Palasyo ng Malakanyang, ang mga Cabinet officials na nanumpa sa kanilang posisyon sa harap ng Pangulo ay sina:
Executive Secretary Ralph Recto
Justice Secretary Fredderick Vida
Public Works Secretary Giovanni Lopez
Labor Secretary Francis Tolentino
Health Secretary Edwin Mercado
Environment Secretary Juan Miguel Cuna
Tourism Secretary Maria Bernardita Mathay
Transportation Secretary Vince Dizon
Budget Secretary Kim Robert De Leon
Philippine Space Agency Director General Gay Jane Perez
Sa isang panayam, ipinaliwanag ni Recto na ang oath-taking ay tanda na ang mga Cabinet officials ay nakatanggap ng ad interim appointments mula sa Pangulo at nakatakda ngayong humarap sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA).
“Itong oath-taking ngayon ay ibig sabihin lahat kami dito ngayon, ad interim appointments ng Pangulo. Dadaan kaming lahat sa Commission on Appointments. Nakapag-submit na tayo sa Commission on Appointments,” ayon kay Recto.
Samantala, ang CA ay nagsisilbing “moderator” ng kapangyarihan ng Pangulo sa paghirang ng mga opisyal sa pamamagitan ng masusing pagrepaso sa mga kwalipikasyon at pagtitiyak ng kaangkupan ng mga taong pinili para sa mga partikular na posisyon sa burukrasya ng gobyerno.
Ang presidente ay maaaring gumawa ng dalawang uri ng appointment: regular at ad interim. Ang mga regular na appointment o nominasyon ay ibinibigay kapag ang Kongreso ay nasa sesyon; ang mga ad interim na appointmentay ibinibigay kapag ang Kongreso ay nasa recess.
Dapat isumite ng Pangulo ang nominasyon o appointment sa CA, na mayroong 30 araw ng sesyon para suriin ang mga kwalipikasyon ng isang hinirang na opisyal at pag-isipan kung aaprubahan, tatanggihan o lalaktawan ito. KRIS JOSE