Home NATIONWIDE Hanggang P30K CNA incentive sa gov’t employees inaprubahan ng DBM

Hanggang P30K CNA incentive sa gov’t employees inaprubahan ng DBM

1
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagbibigay ng one-time Collective Negotiation Agreement (CNA) Incentive na hanggang P30,000 sa mga kwalipikadong government employees para sa Fiscal Year 2026.

Sa ilalim ng Budget Circular No. 2026-1 na nilagdaan ni DBM Acting Secretary Kim Robert C. De Leon noong Nobyembre 4, maaaring ibigay ang incentive mula Disyembre 15 hanggang 31, 2026, depende sa performance ng ahensya at availability ng pondo.

Nilinaw ng DBM na hindi awtomatikong P30,000 ang matatanggap ng bawat empleyado.

Nakadepende ang aktuwal na halaga sa pagsunod ng ahensya sa mga kondisyon at sa savings na nalikha mula sa cost-cutting at systems improvement measures.

Sakop ng insentibo ang mga regular, contractual, at casual civilian personnel sa national government agencies, SUCs, GOCCs, local water districts, at LGUs, basta may valid na CNA na rehistrado sa CSC.

Kailangan ding makamit ng ahensya ang hindi bababa sa 75% ng performance targets hanggang Setyembre 30, 2026.

Ang mga nakapagserbisyo ng hindi bababa sa 10 buwan hanggang Oktubre 31, 2026 ay maaaring makatanggap ng 100% ng approved incentive, habang proportionate naman ang sa mas maikling serbisyo.

Mahigpit ding ipinagbabawal ng DBM ang paggamit ng pondong nakalaan para sa goods and services na direktang pakikinabangan ng publiko.

Ang mga ahensya ay kailangang magsumite ng consolidated report sa DBM bago o sa Enero 31, 2027. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here