Home NATIONWIDE BOC nakalikom ng P97.4B noong Oktubre; target na P1T hahabulin sa Disyembre

BOC nakalikom ng P97.4B noong Oktubre; target na P1T hahabulin sa Disyembre

1
0

MANILA, Philippines – Sa kabila ng pagbaba ng dami ng inaangkat na produkto sa bansa, nakapagtala ang Bureau of Customs (BOC) ng pinakamataas na koleksyon sa loob ng isang buwan sa kasaysayan nito matapos makalikom ng ₱97.463 bilyon noong Oktubre 2026.

Mas mataas ito ng ₱14.501 bilyon kumpara sa ₱82.962 bilyong koleksyon noong kaparehong buwan ng 2025, batay sa paunang datos ng ahensya.

Ayon sa BOC, katumbas ito ng 99.42 porsiyento ng ₱98.028 bilyong target na koleksyon para sa Oktubre, na nagpapakita ng pagtaas ng nalilikom na kita ng pamahalaan kahit bumaba ang import volume.

Hindi lamang sa buwanang koleksyon nakapagtala ng rekord ang BOC dahil umabot din sa ₱853.662 bilyon ang kabuuang revenue collection nito mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon.

Nalampasan nito ng ₱7.140 bilyon ang itinakdang ₱846.522 bilyong target at mas mataas ng ₱69.029 bilyon kumpara sa ₱784.633 bilyong koleksyon sa kaparehong sampung buwan noong 2025.

Dahil dito, nakatutok ngayon ang ahensya sa paghabol sa ₱1.011 trilyong full-year revenue target, na nangangailangan pa ng mahigit ₱157 bilyong koleksyon sa nalalabing Nobyembre at Disyembre.

Ayon kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, bunga ng mas mahigpit na monitoring, maayos na pangangasiwa sa koleksyon at sama-samang pagsisikap ng mga tauhan ng Customs sa buong bansa ang naitalang rekord.

Binigyang-diin ni Nepomuceno na mahalaga ang bawat pisong nakokolekta ng ahensya dahil ginagamit ito sa pagpopondo sa mga proyektong pang-imprastraktura, serbisyong pangkalusugan at iba pang programa ng pamahalaan.

Tiniyak din ng opisyal na paiigtingin pa ng BOC ang pagbabantay sa koleksyon, pagpapatupad ng customs laws at mga repormang magpapabilis sa lehitimong kalakalan upang makamit ang target na ₱1 trilyon.

Nanawagan din siya sa mga stakeholder na patuloy na makipagtulungan at tiyaking tama at napapanahon ang pagbabayad ng duties and taxes upang maabot ang makasaysayang target bago matapos ang 2026. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here