MANILA, Philippines – Bahagyang tumaas sa 5.4 porsiyento ang unemployment rate ng bansa noong Setyembre 2026 mula sa 5.3 porsiyento noong Agosto, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Katumbas ito ng tinatayang 2.86 milyong Pilipino na walang trabaho, mas mataas sa 2.77 milyon noong Agosto at 1.96 milyon noong Setyembre 2025.
Mas mataas din ang unemployment rate kumpara sa 3.8 porsiyento na naitala sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Samantala, umabot sa 50.32 milyon ang bilang ng employed Filipinos noong Setyembre, mula 49.79 milyon noong Agosto at 49.60 milyon noong Setyembre 2025.
Nasa 94.6 porsiyento naman ang employment rate, bahagyang mas mababa sa 94.7 porsiyento noong Agosto.
Tumaas din sa 64.5 porsiyento ang labor force participation rate mula 64 porsiyento noong Agosto, katumbas ng 53.19 milyong Pilipino edad 15 pataas na nagtatrabaho o aktibong naghahanap ng trabaho.
Bumaba naman sa 11 porsiyento ang underemployment rate mula 11.9 porsiyento noong Agosto.
Katumbas ito ng 5.56 milyong manggagawa na nais magkaroon ng dagdag na oras sa kasalukuyang trabaho, karagdagang trabaho o bagong trabahong may mas mahabang working hours.
Pinakamaraming manggagawa ang nasa services sector na may 62.2 porsiyento ng kabuuang employment, habang 20.7 porsiyento ang nasa agriculture at 17.1 porsiyento sa industry.
Sa month-on-month figures, pinakamalaking dagdag sa trabaho ang naitala sa wholesale and retail trade na may 546,000, accommodation and food service activities na may 449,000, at public administration and defense na may 314,000.
Samantala, pinakamalaking pagbaba sa bilang ng manggagawa ang naitala sa construction na nabawasan ng 416,000, agriculture and forestry na bumaba ng 269,000, at administrative and support service activities na nabawasan ng 245,000. RNT