Home METRO 3,000 empleyado apektado sa sunog sa mga warehouse sa Subic

3,000 empleyado apektado sa sunog sa mga warehouse sa Subic

4
0

MANILA, Philippines – Nanganganib ang kabuhayan ng hindi bababa sa 3,000 empleyado matapos tupukin ng malaking sunog ang ilang warehouse at factory sa Subic Bay Gateway Park.

Nagsimula ang sunog noong Miyerkules ng gabi at kumalat sa ilang gusali, kabilang ang isang pagawaan ng mga bag para sa export at kalapit na furniture factory.

Ayon sa isang saksi, nasa ikalawang palapag sila nang makaamoy ng nasusunog mula sa ground floor bago mabilis na lumaki ang apoy.

Sinabi ni Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Corporate Affairs Department manager Armie Llamas na mabilis kumalat ang apoy dahil sa mga materyales sa loob ng mga gusali gaya ng tela at plastic.

Dahil sa laki ng sunog, rumesponde rin ang mga bumbero mula sa Olongapo, Angeles at Lubao.

Kinailangan pang gumamit ng aerial ladder upang maabot ang ilang bahagi ng nasusunog na mga gusali.

Umabot din sa Subic Freeport Expressway at SCTEX ang makapal na usok kaya tumulong ang mga traffic patrol sa mga motorista.

Idineklarang under control ang sunog bandang alas-7 ng umaga ngunit patuloy pa ring may usok mula sa mga gusali.

Hindi rin agad makapasok ang mga bumbero dahil pinangangambahang mahina na ang istruktura ng mga gusali at may mga debris nang bumabagsak.

Walang naiulat na nasawi sa insidente ngunit isang firefighter ang nasugatan.

Samantala, sinabi ng SBMA na mahigit 3,000 manggagawa ng Jinboway ang posibleng maapektuhan ng sunog.

“Magpapasko pa naman ngayon so we will be exploring possible measures kung paano po sila matutulungan through our SBMA labor department,” ani Llamas.

Makikipag-ugnayan umano ang SBMA sa mga may-ari ng mga apektadong kumpanya at service providers upang matukoy ang maaaring tulong para sa mga manggagawa.

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang kabuuang halaga ng pinsala at sanhi ng sunog. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here