MANILA, Philippines – Pormal nang isinailalim sa operational control ng New NAIA Infrastructure Corp. (NNIC) ang humigit-kumulang 2,100 CCTV cameras sa buong Ninoy Aquino International Airport (NAIA) complex.
Isinagawa ang turnover nitong Biyernes kasunod ng direktiba ng Department of Transportation (DOTr) matapos matukoy na hindi lahat ng CCTV cameras sa paliparan ay pormal na naipasa sa NNIC nang kunin nito ang operasyon at pamamahala ng NAIA noong 2024.
Ayon kay Transportation Secretary Vince Dizon, nasa ilalim na ngayon ng NNIC ang lahat ng naturang CCTV cameras.
“Kapag may insidente, meron nang established protocols ano ang gagawin sa footage, paano mag-imbestiga para ma-pinpoint nang mabilis sino ‘yung may sala at mai-coordinate agad sa law enforcement,” ani Dizon.
Umaasa rin ang DOTr na makatutulong ang mas malinaw na sistema sa mas mabilis na pagresponde sa mga insidente at sa pagpigil sa posibleng ilegal na gawain sa paliparan.
Samantala, gagawa ang NNIC ng integration plan upang maisama ang mga bagong nailipat na CCTV cameras sa kasalukuyan nitong airport security at operations systems.
Muling susuriin din ang buong NAIA complex upang matukoy kung may natitira pang blind spots na nangangailangan ng karagdagang CCTV coverage. RNT