Bulacan – Isang nabubulok na bangkay ng lalaki na nakabalot ng kumot ang natagpuan sa loob ng comfort room sa bayan ng Guiguinto noong Oktubre 26.
Sa ulat ng Guiguinto police station, kinilala ang biktima na si alyas “Teteng”, 35, residente ng Brgy. Daungan.
Ayon sa ulat ng istasyon, natagpuan ang bangkay sa Purok 3, Brgy. Daungan sa nasabing bayan.
Nang makarating sa pulisya ang nangyari ay agad silang rumesponde sa lugar hanggang sa tumambad sa kanila ang naaagnas na bangkay sa palikuran na kanilang masusing inimbestigahan.
Sa follow-up investigation at muling pagtungo ng mga pulis sa crime scene ay nakapanayam nila ang mga residente sa lugar.
Nabatid na isa sa mga lumapit sa imbestigador ang 33-anyos na tumayong witness, na naglahad na noong Oktubre 24, bandang 8:00 ng gabi ay nakipag-inuman siya sa apartment ng 40-anyos na kanyang itinurong suspek kasama ang biktima.
Aniya, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa dahil inakusahan ng suspek na ang biktima ay may relasyon sa kanyang dating kinasakama.
Bandang 10:00 ng gabi, pumasok ang biktima sa CR na sinundan ng suspek at isinara ang pinto at bintana ng apartment, ayon pa rin sa salaysay ng witness.
Makalipas ang ilang minuto, nakita umano nito ang suspek na lumabas ng apartment na may hawak na duguang kutsilyo.
Sa takot, agad siyang umuwi, bandang 4:00 ng madaling araw kinabukasan ay pinuntahan siya ng suspek sa kanyang bahay at paulit-ulit na tinawag ang kanyang pangalan subalit hindi siya umimik kaya umalis ito.
Dahil dito, dinala ang witness sa istasyon upang magbigay ng sinumpaang salaysay at nagsagawa rin ng crime scene processing ang Provincial Forensic Unit bilang bahagi ng imbestigasyon.
Noong Oktubre 30, dakong 12:25 ng tanghali pormal na nagsampa ng kasong murder ang ina ng biktima laban sa naarestong suspek sa tanggapan ng Provincial Prosecutor sa lungsod ng Malolos.
Kaugnay nito, tiniyak ni PCOL Jay Baybayan, Acting Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office ang masusing imbestigasyon at pagpapatupad ng batas upang matiyak na ang mga kasong may kinalaman sa karahasan ay mabibigyan ng aksyon at mapanagot sa batas. Dick Mirasol III