Home NATIONWIDE 115 Chinese nationals sa illegal POGO ipinatapon na pabalik sa China

115 Chinese nationals sa illegal POGO ipinatapon na pabalik sa China

2
0

MANILA, Philippines – IPINATAPON na pabalik sa kanilang bansa ang nasa 115 Chinese nationals na naaresto sa magkahiwalay na operasyon laban sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Zamboanga Sibugay at Cubao, Quezon City noong Oktubre.

Sakay ng chartered flight ng China Southern Airlines na may flight number CZ5308 ang mga dayuhang suspek na pabalikin sa China matapos maglabas ng Summary Deportation Orders ang Board of Commissioners ng Bureau of Immigration (BI).

Sa kabuuang bilang, 62 Chinese nationals ang nasakote sa operasyon sa Zamboanga Sibugay habang 53 naman ang inaresto sa Cubao, Quezon City.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony M. Viado, ipinapakita ng pagpapatapon sa mga dayuhan ang seryosong hakbang ng pamahalaan upang panagutin ang mga sangkot sa ilegal na gawain sa bansa.

Binigyang-diin ni Viado na patuloy na paiigtingin ng BI ang mga operasyon at pakikipag-ugnayan sa mga lokal at international law enforcement agencies upang masugpo ang ilegal na POGO operations, online scams at iba pang krimeng tumatawid sa iba’t ibang bansa.

Tiniyak ng BI chief na hindi titigil ang kanilang ahensya sa pagtugis at pagpapatapon sa mga dayuhang lumalabag sa batas ng Pilipinas bilang bahagi ng kampanya laban sa mga sindikatong gumagamit sa bansa bilang sentro ng ilegal na operasyon. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here