MANILA, Philippines – Kinansela ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang nakatakda niyang biyahe sa France dahil sa nagpapatuloy na mga protesta sa bansa, kung saan dapat sana siyang makipagpulong sa mga awtoridad kaugnay ng mga opisyal ng Pilipinas na umano’y nagtatago roon.
Ayon kay Remulla, nakatakda sana siyang umalis sa Nobyembre 17 ngunit hindi na niya ito itutuloy.
“Cinancel na namin kasi nationwide march na,” pahayag niya sa isang briefing nitong Biyernes.
“I don’t think you want to be caught in the middle of it. For those who are hiding there, good luck to them,” dagdag ng Ombudsman.
Pinangalanan din ni Remulla ang mga umano’y nagtatago sa France na sina Sen. Loren Legarda, ang anak nitong si Batangas Rep. Leandro Leviste, at dating kongresista at puganteng si Zaldy Co.
Nahaharap sina Legarda at Leviste sa mga reklamong plunder at graft kaugnay ng mga kontratang nagkakahalaga ng P10 bilyon na may kinalaman sa solar business ng mambabatas. Ayon sa alegasyon, hindi umano tumupad ang mga ito sa kasunduan tungkol sa suplay ng kuryente.
Samantala, nahaharap naman si Co sa ilang kaso sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y pagkakasangkot niya sa anomalya sa flood control projects.
Iniulat ni Remulla na hanggang Nobyembre ngayong taon, nakapagsampa na ang Ombudsman ng 79 na kaso kaugnay ng flood control projects laban sa 67 akusado sa iba’t ibang korte. Kabilang dito ang hindi bababa sa P10.78 bilyong pondo ng pamahalaan.
Apat pang kongresista ang sumasailalim umano sa preliminary investigation kaugnay ng nasabing iskandalo.
Bukod dito, nagsampa rin ang anti-graft body ng 57 iba pang kaso sa Sandiganbayan noong Oktubre lamang, na may kinalaman sa P13.12 bilyong pondo ng pamahalaan. RNT/MDS