Home HOME BANNER STORY Pagpapahaba sa termino ng BSK officials pinagtibay ng SC

Pagpapahaba sa termino ng BSK officials pinagtibay ng SC

2
0

MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Supreme Court (SC) ang constitutionality ng Republic Act No. 12326 na nagpapahaba sa termino ng mga opisyal ng barangay at miyembro ng Sangguniang Kabataan (SK) sa limang taon. Itinakda rin nito sa Nobyembre 2028 ang susunod na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sa desisyong isinulat ni Chief Justice Rodil V. Zalameda, ibinasura ng SC ang petisyon ni election lawyer Romulo B. Macalintal na kumukuwestiyon sa bisa ng nasabing batas.

Nilagdaan ang RA 12326 noong Setyembre 24, 2026. Itinaas nito mula apat hanggang limang taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at binago ang naunang batas na RA 12232 na ipinasa noong 2025.

Nilimitahan din nito sa dalawang magkasunod na termino ang panunungkulan ng mga opisyal, mula sa dating maximum na tatlong termino. Itinakda rin sa Nobyembre 2028 ang susunod na BSKE.

Sa kanyang petisyon, sinabi ni Macalintal na nilalabag ng batas ang substantive due process at ang karapatan ng mga mamamayan na bumoto. Aniya, hindi rin nito nasunod ang mahigpit na pamantayang itinakda sa desisyon ng SC noong 2023 sa kasong Macalintal v. COMELEC, na nangangailangan ng “important, substantial, or compelling reasons” upang ipagpaliban ang halalan.

Hindi tinanggap ng SC ang mga argumento ni Macalintal. Ayon sa korte, hindi naaangkop ang desisyon noong 2023 dahil ang RA 12326 ay batas na nagtatakda ng haba ng termino at hindi batas na pangunahing naglalayong ipagpaliban ang halalan.

Ipinaliwanag ng SC na may kapangyarihan ang Kongreso na magtakda at mag-adjust ng haba ng termino ng mga opisyal ng barangay at SK sa limang taon. Ang paglipat ng susunod na halalan sa Nobyembre 2028 ay bahagi lamang ng pagpapatupad sa bagong limang-taong cycle.

Samantala, ang desisyon noong 2023 sa Macalintal v. COMELEC ay tumalakay sa RA 11935, na nagpaliban sa halalan at nagtakda ng mahigpit na pamantayan upang maiwasan ang basta-bastang pagpapaliban sa paggamit ng karapatang bumoto.

“A law fixing the terms of office does not become an election postponement law simply because it affects the election schedule,” ayon sa SC.

Binigyang-diin din ng korte na makatwiran ang pagitan ng mga halalan at nagsisilbi itong pananggalang laban sa paulit-ulit na pagpapaliban ng eleksyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here