MANILA, Philippines – Pormal nang nanumpa si Supreme Court (SC) Chief Justice Rodil V. Zalameda at opisyal nang nanungkulan bilang ika-28 punong mahistrado ng bansa.
Pinangunahan ni SC Senior Associate Justice Marvic M.V.F. Leonen ang panunumpa ni Zalameda sa session hall ng korte.
Pinalitan ni Zalameda si dating Chief Justice Alexander G. Gesmundo na nagretiro na. Dumalo rin sa seremonya ang lahat ng kasalukuyang miyembro ng SC.
Matapos manumpa, lumabas muna si Zalameda sa session hall. Pagbalik niya ay kasama na niya si Gesmundo. Kinantahan naman ng mga dumalo ng “Happy Birthday” ang dating punong mahistrado.
Dahil sa pag-upo ni Zalameda bilang Chief Justice, mayroon nang bakanteng posisyon para sa associate justice sa 15-miyembrong SC.
Hindi pa malinaw kung agad nang magbubukas ang Judicial and Bar Council (JBC) ng aplikasyon o nominasyon para sa nabakanteng posisyon.
Sa Nobyembre 16, magkakaroon pa ng isa pang bakanteng puwesto sa SC kasunod ng mandatory retirement ni Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier na sasapit na sa edad na 70, ang itinakdang edad ng pagreretiro ng mga miyembro ng hudikatura.
Nagsagawa na ang JBC ng panayam sa mga aplikante para sa posisyon ni Lazaro-Javier at nagrekomenda ng 11 nominado kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kabilang sa mga nominado ang Court of Appeals Associate Justice Ramon M. Bato Jr.; Solicitor General Darlene Marie B. Berberabe; Commission on Audit Chairperson Gamaliel A. Cordoba; CA Associate Justices Ramon A. Cruz, Maria Elisa Sempio Diy at Myra V. Garcia-Fernandez; CA Presiding Justice Fernanda Lampas Peralta; Commission on Elections Commissioner Ernesto P. Maceda Jr.; CA Associate Justices Ronaldo Roberto B. Martin at Walter S. Ong; at Court of Tax Appeals Associate Justice Maria Rowena M. San Pedro.
Sa ilalim ng Konstitusyon, may 90 araw ang Pangulo mula sa petsa ng pagkabakante ng posisyon upang magtalaga ng kapalit.
Ang JBC ay isang tanggapang itinatag ng Konstitusyon na tumatanggap, nagsusuri at nagrerekomenda ng mga itatalaga sa hudikatura, Office of the Ombudsman at mga deputy nito, gayundin sa mga miyembro ng Legal Education Board.
Si Chief Justice Zalameda ang ex-officio chairperson ng JBC. RNT/MDS