QUEZON CITY, Philippines – Inanunsyo ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla na magsasagawa ang kanyang tanggapan ng biglaang pagbisita sa kulungan sa Payatas, Quezon City, kung saan nakadetine si dating House Speaker Martin Romualdez, upang matiyak na sinusunod ang lahat ng patakaran.
Ayon kay Remulla, maaaring isagawa ang inspeksiyon anumang oras, kabilang ang hatinggabi, upang mawala ang anumang pagdududa tungkol sa kondisyon sa loob ng pasilidad.
“To remove any doubt about how things are going, we will do surprise visits sa jail. We’ll be starting to do that,” pahayag niya sa media briefing nitong Biyernes, Nobyembre 6.
“We’ll visit Payatas once in a while, at any given hour, whether it be morning or it’s midnight, just to check on everything—to make sure all the rules are being followed in Payatas.”
Kasunod ito ng mga katanungan tungkol sa kondisyon ng pagkakadetine ni Romualdez matapos mabunyag na pinayagan ang isang personal staff nito na manatili sa loob ng New Quezon City Jail.
Sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division noong Huwebes, Nobyembre 5, sinabi ni Jail Superintendent Maria Lourdes Pacion na pinayagan niya ang naturang kaayusan upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng dating House Speaker.
Ayon kay Pacion, sinusuri ang ganitong mga kahilingan batay sa bawat kaso. Wala rin umanong sapat na tauhan ang pasilidad upang asikasuhin ang lahat ng personal na pangangailangan ni Romualdez.
Itinanggi rin ni Pacion ang alegasyong pinayagang lumabas ng kulungan si Romualdez. Sinabi niya sa korte na nanatili ito sa loob ng pasilidad at pumupunta lamang sa sunning area o sa courtroom ng kulungan kapag may pagdinig.
Samantala, binawi ni kolumnistang Ramon Tulfo ang nauna niyang pahayag na palihim umanong lumalabas ng kulungan ang dating kongresista. Inamin niyang nakatanggap siya ng maling impormasyon.
Iniutos ng Sandiganbayan sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na repasuhin ang closed-circuit television (CCTV) footage mula nang dalhin si Romualdez sa pasilidad hanggang Nobyembre 4 at magsumite ng notarized report tungkol sa kanyang mga galaw.
Inatasan din ng korte ang BJMP na magsumite ng mga ulat tungkol sa CCTV system at kalusugan ni Romualdez. Pinabalik sa pagdinig ang mga opisyal ng BJMP sa Nobyembre 9. RNT/MDS