MANILA, Philippines – Nangako si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na lalagdaan ang exit agreement bago matapos ang termino ng Pangulo sa 2028 bilang hudyat ng pagkumpleto ng proseso ng kapayapaan sa Bangsamoro.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro nitong Biyernes, tinalakay ang pangakong ito sa pulong nina Marcos at MILF Chairman Ahod “Al Haj Murad” Ebrahim sa Malacañang noong Huwebes.
“Natalakay sa meeting ang mga natitira pang hakbang sa pagsusulong ng kapayapaan at ganap na pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB. Sa naturang pulong, muling tiniyak ni Chairman Murad ang kanilang matibay na pangako na ipagpapatuloy ang peace process at ang buong implementasyon ng CAB,” ani Castro.
Tinalakay rin nila ang pagkumpleto sa ikaapat at huling yugto ng proseso ng decommissioning ng mga mandirigma ng MILF sa 2027.
“Kapuwa nangako ang pamahalaan at MILF na tatapusin ang mga natitira pang obligasyon at lalagdaan ang exit agreement bago matapos ang termino ni Pangulong Marcos Jr.,” dagdag ni Castro.
Napagkasunduan din ng pamahalaan at MILF na ipagpatuloy ang pagtutulungan upang tugunan ang mga hamon sa pagpapatupad ng kasunduan at matiyak na walang obligasyong hindi matutupad. RNT/MDS