MANILA, Philippines – Inatasan ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na magsumite sa loob ng 48 oras ng komprehensibong ulat tungkol sa pagpapahintulot sa personal na aide ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez na manatili sa loob ng kanyang selda.
Kasunod ito ng pag-amin ng BJMP sa Sandiganbayan Third Division na pinayagan ang staff ni Romualdez na asikasuhin ang kanyang mga pangangailangan sa loob ng selda.
Nakadetine si Romualdez sa Quezon City Jail kaugnay ng kasong plunder na may kinalaman sa umano’y kickback mula sa mga proyektong pang-imprastraktura na nagkakahalaga ng P7.44 bilyon.
“I am directing the BJMP leadership to submit, within 48 hours, a comprehensive report establishing the legal and administrative basis for this arrangement, the circumstances surrounding its authorization, and the officials or personnel involved,” pahayag ni Remulla.
Kabilang din sa dapat isumite ang mga dokumento at rekord na sumusuporta sa naturang kaayusan, pati paliwanag kung sinunod ang mga umiiral na batas at regulasyon.
“Incomplete findings, unsupported explanations, and failure to comply with this directive will not be accepted,” babala niya.
Ipinatawag ng Third Division ang BJMP sa pagdinig nitong Huwebes upang siyasatin ang mga ulat na maaari umanong lumabas at pumasok ng kulungan si Romualdez.
Inamin naman ni Jail Superintendent Maria Lourdes Pacion na pinayagan ang staff ni Romualdez na pumasok sa kanyang selda dahil sa kondisyon ng kanyang mental health at kakulangan ng tauhan sa kulungan.
Binigyang-diin ni Remulla na walang sinuman, anuman ang posisyon o impluwensiyang pampolitika, ang maaaring hindi sumunod sa mga patakaran o mabigyan ng espesyal na pagtrato.
“I expect the BJMP leadership to preserve all relevant records and ensure that the report is submitted within the prescribed period,” dagdag niya.
Agad ding tutugunan ng kanilang tanggapan ang anumang paglabag na matutuklasan, anuman ang mga taong sangkot.
Ayon kay Remulla, maaaring maharap sa kaukulang administratibong proseso ang mga opisyal na mapatunayang gumawa ng hindi awtorisadong hakbang. Maaari rin silang kasuhan ng kriminal kung kinakailangan, alinsunod sa batas.
“The DILG will enforce accountability within its own ranks, firmly and impartially. The integrity of our custodial institutions must never be compromised by unauthorized privileges or the improper exercise of discretion,” diin niya. RNT/MDS