MANILA, Philippines – Ibinasura ng Senate Impeachment Court ang paulit-ulit na pagtutol ng legal team ni Vice President Sara Duterte sa paggamit ng mga ebidensiyang hindi kasama sa orihinal na mga reklamong impeachment laban sa kanya.
Sa kautusang may petsang Nobyembre 5 at inilabas sa media nitong Biyernes, pinagtibay ng impeachment court na maaaring gamitin ang mga dokumentong nakuha sa pamamagitan ng subpoena bilang ebidensiya sa paglilitis.
Mula nang talakayin ng House Committee on Justice ang mga reklamo laban kay Duterte noong Marso 2026, iginiit ng kampo ng Bise Presidente na hindi dapat magpatuloy ang impeachment proceedings dahil hindi kasama sa apat na reklamong inihain ng mga pribadong indibidwal ang ilang dokumentong ginamit ng prosekusyon.
Ngunit ayon sa kautusang isinulat ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero, kapwa may kapangyarihan ang Senado bilang impeachment court at ang Kamara bilang prosekusyon na maglabas ng subpoena sa ilalim ng 1987 Constitution upang suportahan ang mga alegasyon sa impeachment case.
“The Court OVERRULES the continuing objection founded on the non-attachment of the offered exhibits to the Impeachment Complaints or Articles of Impeachment and on their acquisition through subpoenas during trial,” bahagi ng kautusan.
“Under the constitutional allocation of the House’s power to impeach and the Senate’s power to try and decide all impeachment cases, the Articles of Impeachment frame the ultimate facts of the charge. Documents subpoenaed during trial may supply evidentiary facts proving those allegations,” dagdag nito.
Ayon sa korte, nakadepende ang pagtanggap sa mga dokumento bilang ebidensiya kung may kaugnayan ang mga ito sa mga alegasyon laban sa respondent.
Nilinaw din nito na hindi awtomatikong dahilan para tanggihan ang ebidensiya ang hindi pagkakalakip ng mga dokumento sa Articles of Impeachment.
“The admissibility of such documents, however, depends on their logical relation to the principal fact in issue framed by the Articles, or to a collateral fact from which the existence or non-existence of that principal fact may be inferred,” ayon sa kautusan.
“Accordingly, any failure to attach documentary evidence to the initiating complaint or Articles does not, by itself, require rejection upon formal offer. Neither does mere description of resort to process or discovery as a ‘fishing expedition’ automatically create ground for excluding every subpoenaed document,” dagdag pa nito.
Sa komento ng depensa noong Oktubre 30 tungkol sa formal offer of evidence ng prosekusyon, hiniling ng mga abogado ni Duterte na tanggihan ang mga dokumento dahil umano sa pagiging inadmissible, walang kaugnayan at hindi sapat upang patunayan ang mga kasong impeachable laban sa kanya.
Iginiit ng depensa na isa umanong “impermissible fishing expedition” ang pangangalap ng ebidensiya at dapat itong ituring na “inadmissible as evidence.”
Hindi ito ang unang pagkakataong tinawag ni Duterte at ng kanyang kampo na fishing expedition ang mga hakbang ng Kamara at ng prosecution panel.
Nang humiling ang prosekusyon ng subpoena para sa mga bank record na nakapangalan kay Duterte at sa kanyang asawang si Manases Carpio, tinawag din ito ng depensa na fishing expedition.
Gayunman, sinabi nina public prosecutor at Akbayan party-list Rep. Chel Diokno at prosecution counsel Benjamin Tolosa na dapat nang itigil ng depensa ang paggamit sa naturang argumento dahil tiyak na mga dokumento ang hinihingi sa subpoena.
Noong Hulyo 20, pinagbigyan ng Senate Impeachment Court ang kahilingan ng prosekusyon dahil prima facie relevant at material umano ang mga rekord sa Article II ng Articles of Impeachment.
Ayon sa korte, layunin ng mga dokumento na matukoy kung hindi katumbas ng legal na kita ni Duterte ang kanyang mga ari-arian at transaksiyong pinansyal habang nanunungkulan.
Noong Martes, pinuna naman ni public prosecutor at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon ang legal team ni Duterte dahil inuulit pa rin umano nito ang mga argumentong ilang beses nang napabulaanan. Inilarawan niya ang depensa bilang “defenseless.”
Sa parehong kautusan, tinanggap ng impeachment court ang ilang ebidensiya ng prosekusyon ngunit tinanggihan ang kahilingang gamitin ang mga dokumento ng Commission on Audit (COA) tungkol sa confidential funds.
May kaugnayan ang Article II sa alegasyong may hindi maipaliwanag na yaman si Duterte na hindi niya idineklara sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) habang bise presidente.
Ito na lamang ang natitirang artikulo ng impeachment laban sa kanya matapos bawiin ng prosekusyon ang tatlo sa apat na artikulo noong Oktubre 13.
Dahil binawi na ang Article I na tumatalakay sa umano’y maling paggamit ng confidential funds sa mga tanggapan ni Duterte, sinabi ng korte na ang mga ebidensiyang iniharap para rito ay “may not be re-offered or collaterally raised in relation to Article II.”
Saklaw din ng pagtanggi ang mga dokumento ng COA na tumukoy sa mga disbursement ng confidential funds ng Department of Education mula 2022 hanggang 2023, noong pinamumunuan pa ito ni Duterte.
Tinanggap naman ang iba pang ebidensiya, ngunit may ilang limitasyon sa paggamit ng mga ito.
Kabilang dito ang mga rekord ng Office of the Ombudsman, partikular ang mga SALN ni Duterte mula 2007 hanggang 2025. Gayunman, ang mga deklarasyon bago siya naging bise presidente ay maaari lamang gamitin “as a starting financial baseline.”
Nakatakdang magpatuloy ang impeachment trial sa Nobyembre 9 matapos ang pahinga mula Oktubre 13. Sa pagbabalik ng paglilitis, maghahain ang depensa ng mga ebidensiya upang kontrahin ang Article II.
Kapag napatunayang guilty si Duterte ng Senate Impeachment Court, matatanggal siya sa puwesto at maaari ring permanenteng madiskuwalipika sa paghawak ng pampublikong posisyon. RNT/MDS