Home METRO Panibagong pinagtapunan ng labi ng mga hayop, nadiskubre sa San Jose del...

Panibagong pinagtapunan ng labi ng mga hayop, nadiskubre sa San Jose del Monte

1
0

BULACAN, Philippines – Nadiskubre ang panibagong tapunan ng mga labi ng hayop sa isang bakanteng lote na masukal ang mga halaman sa kahabaan ng Muzon Bypass Road, na sakop ng Barangay Muzon Proper at Muzon West sa San Jose del Monte, Bulacan.

Nakita sa lugar ang mga labi ng ilang hayop na nagkalat, nabubulok, sinunog o mga buto na lamang. Nakaragdag din sa sitwasyon ang mabahong amoy at maraming langaw.

Patuloy na iniimbestigahan ng San Jose del Monte City Police Station ang sunod-sunod na insidente ng pagtatapon ng mga labi ng hayop sa iba’t ibang barangay sa lungsod.

Natukoy na rin ng mga awtoridad ang mga indibidwal na umano’y nag-utos at nagsagawa ng pagtatapon ng mga labi ng hayop na nadiskubre noong nakaraang linggo sa Barangay Minuyan Proper.

“Yung sa Minuyan Proper lang na kung saan nga nakarecover tayo ng 25 na remains nung fur babies, yun po yung may connect, may malinaw na connect doon po sa Ahjay Pet Crematorium,” pahayag ni PLtCol. Nelson Mabuti Sardin, hepe ng San Jose del Monte City Police.

Nagsampa na rin ng mga kaso kaugnay ng insidente dahil sa umano’y paglabag sa ilang lokal at pambansang batas, kabilang ang Municipal Ordinance 22A-10-29 o Isang Malawak at Komprehensibong Pamamahala ng Basura sa Lungsod ng SJDM; City Ordinance No. 2020-048-09 na nagbabawal sa pagtatapon ng mga labi ng hayop sa pampublikong lugar; Presidential Decree 856 o Code on Sanitation of the Philippines; at Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act.

Natukoy rin ng pulisya bilang testigo ang taong umano’y inutusan na magtapon ng mga labi ng hayop sa barangay.

“Pinapaigting namin yung paraan kung paano mapigilan yung mga pagtatapon na ito kung saan-saan. Kaya nga, lahat ng mga pulis natin nakipag-ugnayan na sa mga barangay captains at yung mga barangay captains naman nag commit na magsasagawa rin sila ng kanilang initiatives para mapigilan yung mga nagtatapon nito,” ani Sardin.

Batay sa datos ng lokal na pamahalaan, hindi bababa sa 80 labi ng hayop ang nadiskubre sa iba’t ibang barangay sa lungsod. Kabilang dito ang:

–Minuyan Proper – 25

–Minuyan IV – 33

–Minuyan V – 14 (9 ang nakabaon at 5 ang nakatakdang kunin)

–Gayagaya – 9

–Muzon East – 3

Ayon kay San Jose del Monte City Mayor Florida Robes, agad na inimbestigahan ng City Health Office, City Veterinary Office at CENTRO ang insidente.

Tiniyak ng lokal na pamahalaan na maayos na inilibing ang mga nakuhang labi ng hayop alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.

“Chineck agad yung lugar then they sanitized it. Meaning to say, pinakuha agad namin yung mga aso. Wala naman kaming inapprove dito na pet crematorium. Actually, we denied all the applicants. Kasi, yung mga nag-aapply satin, nandun sa heavy populated areas,” pahayag ni Robes.

Nagbabala rin ang alkalde sa mga nagpaplanong magtapon ng mga labi ng hayop sa lungsod.

“Warning ito po sa lahat ng gagawin niyo pa, at may balak pang magtapon dito sa ating lungsod. Nakasuhan na po namin yung gumawa non at pag ito po ay naulit pa, additional kaso na naman ito sa mga gagawa nito. Huwag niyo po kami subukan,” babala niya.

Hinikayat naman ng mga awtoridad ang mga residente na maging mapagmatyag at iulat ang anumang kahina-hinalang gawain upang maprotektahan ang mga hayop at maiwasan ang patuloy na pagtatapon ng kanilang mga labi sa lungsod. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here