MANILA, Philippines – Malapit nang maging batas ang panukalang bigyan ng libre at masustansiyang pagkain ang lahat ng mag-aaral mula Kindergarten hanggang Grade 3 sa mga pampublikong paaralan matapos aprubahan ng bicameral conference committee, ayon kay Senador Bam Aquino.
Tinawag ni Aquino, isponsor ng panukala, na pinangunahan ang contingent ng Senado bilang chairperson ng Committee on Basic Education, ang pinal na bersiyon ng National Children’s Nutrition Program Act, o Libreng Pagkain sa Paaralan, bilang mahalagang hakbang tungo sa pagresolba sa malnutrisyon at krisis sa edukasyon sa bansa.
Kapag niratipikahan ng Senado at Kamara, ang panukala’y ipapadala sa Malacanang para sa pirma ng Pangulo.
“Itinuturing itong pinakamahalagang panukala na maipapasa natin ukol sa edukasyon. Malaking hakbang ito sa pagtugon sa malnutrition at krisis sa edukasyon. Mas madaling matuto ang ating mga anak kapag may laman ang kanilang mga sikmura at nabibigyan ng tamang nutrisyon habang nag-aaral,” wika ni Aquino.

Kapag naisabatas, lahat ng estudyante mula Kindergarten hanggang Grade 3 sa pampublikong paaralan ay makatatanggap ng libre at masustansiyang pagkain. Saklaw din ng programa ang mga estudyante mula Grade 4 hanggang Grade 6 na kulang sa nutrisyon.
Pinalawig ng pinagsama-samang bersyon ng panukala ang programa sa pagpapakain sa mga paaralan mula sa 120 araw hanggang sa buong academic year upang matiyak na mas maraming bata ang magkakaroon ng access sa masustansyang pagkain sa buong taon ng pag-aaral.
Ayon kay Aquino, hindi lamang mga mag-aaral ang makikinabang sa programa kundi magbibigay din ito ng malaking ginhawa sa mga magulang na araw-araw na nagsisikap matugunan ang pangangailangan sa pag-aaral ng kanilang mga anak habang tinitiyak na may pagkaing nakahain sa mesa.
“Malaking ginhawa rin ito para sa mga magulang na araw-araw na nagsisikap para mapag-aral ang kanilang mga anak at may maihaing pagkain sa mesa. Malaking kabawasan sa kanilang alalahanin at gastusin kapag may libre at masustansyang pagkain ang mga bata sa paaralan,” punto niya.

Binigyang-diin din ng Senador ang life-stage approach ng panukala sa pagtugon sa pangangailangan sa nutrisyon. Sa ilalim nito, magbibigay ng suporta mula sa pagbubuntis at mga unang taon ng buhay ng bata hanggang sa mga taon nito sa paaralan upang matiyak ang tuloy-tuloy na tulong sa nutrisyon sa bawat yugto ng paglaki at pag-unlad.
Pinasalamatan ni Aquino ang kanyang mga kasamahan sa bicameral conference committee mula sa Senado at House of Representatives, partikular sina Reps. Roman Romulo, Jaime Fresnedi, at Kenneth Gatchalian, gayundin ang Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), sa pangunguna ni Executive Director Karol Yee, sa pagtulong upang maisulong ang panukala.
“Hindi natin lubos na matutugunan ang krisis sa edukasyon kung hindi rin natin tutugunan ang problema sa nutrisyon. Tiyakin natin na ang ating mga anak ay busog, malusog, at handang matuto,” aniya. Ernie Reyes







