BATANGAS, Philippines – Natagpuan na ang bangkay ng isang 32-anyos na lalaki na iniulat na nawawala malapit sa Taal Lake sa Lipa City, Batangas, noong Oktubre 31.
Ayon sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG) Batangas Station na inilabas nitong Biyernes ng hapon, Nobyembre 6, nakita noong Huwebes ang bangkay ng lalaki na palutang-lutang malapit sa Barangay Saimsim sa bayan ng Santa Teresita.
“The body was sighted floating near Barangay Saimsim, Sta. Teresita, Batangas. PCG personnel and the Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) of Sta. Teresita immediately conducted retrieval operations,” ayon sa PCG.
Kinilala ng ina ng biktima ang mga labi nito bago ipinasa sa Santa Teresita Police para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.
Batay sa impormasyon mula sa pamilya, umalis ang lalaki sa kanilang bahay sa Barangay Banay-Banay, Lipa City, noong Oktubre 31 at hindi na nakabalik.
Kalaunan, natagpuan ang mga personal na gamit nito malapit sa baybayin ng Taal Lake kaya nagsagawa ng search operations ang mga awtoridad noong Nobyembre 4.
Nagsagawa ang mga tauhan ng Coast Guard ng paghahanap sa baybayin at ilalim ng tubig, sea patrol at aerial surveillance gamit ang drone hanggang sa matagpuan ang bangkay.
Matapos ang retrieval operation, nagsagawa rin ang PCG ng information campaign para sa mga residente at mangingisda upang palakasin ang kaalaman sa kaligtasan sa tubig at maiwasan ang mga insidente ng pagkalunod. RNT/MDS