MANILA, Philippines – Patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Sabado, Nobyembre 7, ang isang tropical depression sa silangan ng Northern Luzon na posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Gayunman, sinabi ng ahensya na wala pa itong nakikitang posibilidad na mag-landfall ang bagyo sa bansa.
Ayon kay PAGASA weather specialist Veronica Torres, huling namataan ang sama ng panahon sa layong 2,540 kilometro silangan ng Northern Luzon bandang alas-3 ng madaling araw.
“Itong bagyong ito ay hindi tinatanggal ang posibilidad na pumasok sa ating area of responsibility, kaya patuloy pa rin natin itong binabantayan,” ani Torres.
“So, ngayon naman ay hindi pa rin natin nakikita ’yung landfall scenario nitong bagyong ito. At wala namang direct effect sa anumang parte ng ating bansa,” dagdag niya.
Samantala, iniugnay ni Torres ang mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa sa shearline na nakaaapekto sa silangang bahagi ng Southern Luzon at sa easterlies o hanging nagmumula sa Pacific Ocean.
“Samantalang shearline—ito ’yung salubungan ng hangin galing northeast at mainit na hangin galing silangan. Ito ’yung nakakaapekto sa silangang bahagi ng Southern Luzon,” paliwanag niya.
Ayon sa PAGASA, patuloy namang nakaaapekto ang northeast monsoon o amihan sa hilagang bahagi ng bansa at Central Luzon, habang easterlies naman ang umiiral sa nalalabing bahagi ng bansa. RNT/MDS