SORSOGON, Philippines – Nasawi ang tatlong beachgoer matapos silang tangayin ng malalakas na alon at agos habang lumalangoy sa karagatan sa Barangay San Rafael, Sta. Magdalena, Sorsogon noong Miyerkules, Nobyembre 4.
Ang mga biktima, na edad 18, 25 at 42, ay nagbabakasyon sa lugar para sa Undas nang mangyari ang insidente dakong alas-9 ng umaga.
Ayon sa mga awtoridad, unang nahirapan sa tubig ang babaeng biktima. Tinangka naman siyang sagipin ng dalawang lalaki ngunit kapwa sila napahamak dahil sa malakas na agos at malalaking alon.
“According to a minor witness, the two male individuals attempted to rescue the female victim who was initially in distress in the water; however, strong currents and large waves reportedly overwhelmed them,” ayon sa Coast Guard District Bicol (CGDBCL).
Agad na nagsagawa ng search and rescue operations ang mga awtoridad matapos matanggap ang ulat.
Unang nahila ng mga residente ang babaeng biktima mula sa tubig. Isinakay siya ng mga responder ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa ambulansiya, ngunit idineklarang dead on arrival sa ospital.
“MDRRMO ERT Team 2 immediately responded to the area. Upon arrival, responders found one female victim unconscious, being carried by bystanders,” ayon sa Sta. Magdalena MDRRMO.
Narekober din noong Miyerkules ng umaga ang bangkay ng 25-anyos na lalaki sa baybayin ng Sitio Marhay.
Samantala, natagpuan naman noong Huwebes ng hapon, Nobyembre 5, ang bangkay ng 42-anyos na lalaki malapit sa Sitio Olango matapos itong makita ng isang mangingisda.
Nagpaabot ng pakikiramay ang Coast Guard District Bicol sa mga pamilya ng mga biktima at pinaalalahanan ang publiko na mag-ingat sa mga aktibidad sa dagat.
“CGDBCL extends its deepest sympathies to the bereaved families and reminds the public to exercise caution during water-related activities, remain vigilant of prevailing sea conditions, and avoid areas with strong currents and rough waters,” ayon sa Coast Guard.
Nagbabala rin ang pulisya sa mga residente at turista na delikadong palanguyan ang lugar, lalo na kapag masama ang panahon, dahil sa malalakas na undertow o agos ng tubig pabalik sa dagat sa ilalim ng ibabaw ng tubig.
Dinala ang mga bangkay ng mga biktima sa isang punerarya sa Matnog, Sorsogon. RNT/MDS