Home NATIONWIDE VP Sara, Mans Carpio, handang tanungin ng prosekusyon sa impeachment trial

VP Sara, Mans Carpio, handang tanungin ng prosekusyon sa impeachment trial

1
0

MANILA, Philippines – Handa ang prosekusyon ng Kamara na tanungin si Vice President Sara Duterte at ang kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio sakaling ipatawag sila ng depensa bilang mga testigo sa impeachment trial, partikular sa mga transaksiyong pinansyal at ari-ariang may kaugnayan sa alegasyon ng unexplained wealth.

Ayon kay prosecution spokesperson Atty. Jay Tolosa, ikatutuwa nilang humarap si Duterte sa Senate Impeachment Court dahil siya umano ang higit na makapagpapaliwanag sa mga pagkakaiba ng kanyang idineklarang yaman at mga transaksiyong pinansyal na inilahad sa paglilitis.

“Siya ang pumirma nitong kaniyang SALN at dineclare niya P98M. So mukhang siya ang nasa best position to explain bakit hindi niya dineklara ang ibang P100M as testified to by Atty. Alex Cabrera na lumabas dito sa mga financial transactions nila,” pahayag ni Tolosa sa panayam sa DZMM nitong Sabado.

Handa rin ang prosecution panel na tanungin si Carpio kung tatawagin siya ng depensa bilang testigo.

Kabilang sa mga nais nilang linawin ang mga ari-arian at negosyo na tinalakay sa presentasyon ng ebidensiya ng prosekusyon, partikular ang iniulat na 47.5 porsiyentong pagmamay-ari ni Carpio sa Calle 88.

Binanggit ni Tolosa ang mga tanong ng ilang senador-hukom kung paano nakatanggap ang kompanya ng mahigit P300 milyon na remittance mula sa China gayong dalawa lamang ang empleyado nito at mas mababa umano ang iniulat nitong kita sa Bureau of Internal Revenue.

“If that will happen then madami tayong mga bagay na gustong hingan ng paliwanag kay Atty. Mans Carpio,” ani Tolosa.

“Alam naman natin madami doon sa mga properties and assets na pinag-usapan when we were presenting evidence under his name, at ang mga iba pang bagay tulad ng mga issues surrounding Cale88, for example, since siya ang 47.5% owner diyan, [and] was pointed out by even some of the senator-judges may katanungan paano nangyari na nakapag-receive ito ng remittances from China upwards of P300M when it only had for example two employees,” dagdag niya.

Nauna nang naglahad ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) ng mga rekord na nagpapakitang nakatanggap ang Calle 88 ng P319.3 milyon na remittance mula sa China.

Kinuwestiyon din ng prosekusyon ang mga bank account ni Duterte, kabilang ang joint account nila ng kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, gayundin ang mga transaksiyong pinansyal sa mga account na nakapangalan kay Carpio.

Tinanong si Tolosa kung maaaring maging peligroso para sa prosekusyon ang pagharap ni Duterte dahil nananatili siyang popular sa mga survey.

Sinabi niyang hindi dapat nakabatay sa popularidad ang pagdedesisyon sa kaso.

“We don’t see it that way quite honestly. Ang maganda naman dito, this is not a popularity contest,” ani Tolosa.

“At the end of the day naniniwala kami kung makikita ng mga kababayan natin itong ebidensya natin na nailatag na ay hindi maisasagot ng tama ng depensa, hindi makakapagbigay ng maayos na kapaliwanagan [kung] paano nangyari itong unexplained wealth na napakalaki ng halaga na pinag-uusapan natin,” dagdag niya.

Ayon kay Tolosa, kumpiyansa ang prosekusyon sa mga inilatag nitong ebidensiya at nais nilang maipaliwanag ni Duterte ang mga pagkakaiba sa mga rekord ng kanyang yaman at transaksiyong pinansyal.

Magpapatuloy ang impeachment trial sa Nobyembre 9, kung saan inaasahang sisimulan ng depensa ang paghaharap ng mga testigo. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here