MANILA, Philippines – Nilinaw ng Korte Suprema na hindi election postponement law ang Republic Act 12326 kundi isang term-fixing law kaya hindi ito sakop ng guidelines sa 2023 ruling sa Macalintal v. COMELEC.
Ayon sa SC, ang pagtatakda ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2028 ay pagpapatupad lamang ng bagong limang taong termino ng mga barangay official.
May kapangyarihan ang Kongreso na magtakda at magbago ng termino ng mga opisyal ng barangay, basta makatwiran ang panahong ibibigay bago magsimula ang bagong termino.
Itinuring ng SC na makatwiran ang Nobyembre 2028 dahil huling nahalal ang mga kasalukuyang opisyal noong Oktubre 30, 2023.
Isinaalang-alang din ang pangangailangang maiwasan ang sabay na paghahanda ng COMELEC para sa May 2028 national elections at ang posibleng pagtapat ng BSKE sa 2031 elections.
Nagpasya rin ang SC na hindi nilabag ng batas ang substantive due process dahil nagsisilbi ito sa lehitimong layunin, kabilang ang maayos na lokal na pamamahala at pagpapatuloy ng mga programa sa barangay.
Hindi rin umano nilabag ang karapatang bumoto dahil hindi nito inaalis o walang takdang ipinagpapaliban ang halalan. Mananatili ang regular na halalan kada limang taon. Jocelyn Tabangcura-Domenden