MANILA, Philippines – Inamin ni Balanga Bishop Rufino Sescon Jr. na naging daan ang pananahimik at kawalan ng pagkilos ng Simbahang Katolika sa paglaganap ng fake news at historical distortion sa bansa, kabilang ang mga salaysay tungkol sa Martial Law.
Sa kanyang keynote address sa First National Laiko Assembly sa Cebu City nitong Nobyembre 6, hinamon ng Obispo ang mga layko na huwag manatiling tagatanggap lamang ng impormasyon, kundi maging aktibong tagapagtanggol ng katotohanan.
Ayon sa kanya, hindi na maaaring ipagwalang-bahala ng Simbahan ang lumalalang historical distortion, lalo na sa mga kabataang hindi na nakakakilala sa mga pangyayari noong panahon ng diktadura.
Hinimok din niya ang mga layko na maging “responsible digital missionaries” at gamitin ang social media upang ipagtanggol ang katotohanan.
Binigyang-diin ni Bishop Sescon na hindi lamang katuwang ng pari ang mga layko, kundi may sarili silang bokasyon at misyon bilang binyagang Kristiyano.
Hinimok niya ang mga lay organization na ituon ang gawain sa katarungang panlipunan, pangangalaga sa kalikasan, krisis sa edukasyon, at pakikilakbay sa mga pamilya.
Isinagawa ang assembly sa temang “One Laiko, One Mission, One Church: Gathering, Connecting, Moving Forward in Synodality,” na dinaluhan ng 208 delegado mula sa 58 lay organizations sa buong bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden