MANILA, Philippines – Nagtutulungan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Climate Change Commission (CCC) at United Nations Development Programme (UNDP) Philippines upang bumuo ng pambansang balangkas at estratehiya sa pagtugon sa mga pinsala at pagkalugi dulot ng climate change.
Ayon sa DENR nitong Sabado, layunin ng inisyatiba na magkaroon ng mas organisado at koordinadong pagtugon ng pamahalaan at iba pang sektor sa mga komunidad na apektado ng mga epekto ng pagbabago ng klima.
Sinabi ni DENR Secretary Juan Miguel Cuna na napapanahon ang hakbang dahil patuloy na nararanasan ng milyun-milyong Pilipino ang epekto ng matinding lagay ng panahon, kabilang ang pagkasira ng mga tahanan dahil sa bagyo at baha, gayundin ang pagkawala ng kabuhayan dahil sa tagtuyot at pabago-bagong panahon.
Binigyang-diin niya na may mga epekto na ng climate change na hindi na kayang maiwasan kahit patuloy na umaangkop ang mga komunidad, kaya mahalagang magkaroon ng mekanismong tutugon sa mga pinsala nito sa buhay, kultura, kalusugan, kabuhayan at lokal na ekonomiya.
Sa ilalim ng bubuuing Climate-related Loss and Damage Framework and Strategy, palalakasin ang koordinasyon ng pamahalaan, development partners at iba pang stakeholder, mapabubuti ang access sa pondo, mapalalawak ang kaalaman at mga sistema ng datos, at matitiyak na makararating ang tulong sa mga higit na nangangailangan.
Bilang bahagi ng inisyatiba, ipinatawag ng pamahalaan ang unang pagpupulong ng Development Partners Coordination Group on Climate-related Loss and Damage (L&DDPCG).
Layunin ng grupo na pagtugmain ang pagpopondo, teknikal na tulong at suporta ng mga institusyon upang maisakatuparan ang mga prayoridad ng pambansang balangkas.
Ayon sa DENR, makatutulong din ang mekanismo upang maiwasan ang magkakahiwalay na programa, matukoy ang mga kakulangan at oportunidad para sa pagtutulungan, at makalikom ng karagdagang pondo para sa mga bulnerableng komunidad.
Napagkasunduan din ng mga lumahok na ahensya ang pagtatatag ng mga workstream na tututok sa pagbuo ng mga polisiya, solusyon sa pagpopondo, lokal na pagkilos at pagpapalakas ng mga institusyon.
Kabilang sa mga ahensya ng pamahalaan na makikipagtulungan sa mga development partner ang DENR, Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), Office of Civil Defense (OCD), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Science and Technology (DOST), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Agriculture (DA) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP). RNT/JGC