MANILA, Philippines – Kinilala ng China ang pag-aresto sa mga nasa likod ng POGO at scam hub, kasunod ng pagpapauwi sa mahigit 2,600 Chinese na suspek sa pamamagitan ng joint Philippine-Chinese law enforcement efforts mula 2023.
Sa pahayag nitong Sabado, Nobyembre 7, sinabi ng embahada nito sa Manila na “China appreciates the assistance provided by relevant Philippine law enforcement authorities.”
Inilarawan ng Chinese Embassy ang pinakahuling operasyon bilang “another major achievement in our joint efforts to combat transnational crime.”
Hindi naman nagbigay ng breakdown ang embahada sa 2,600 kaso o tinukoy kung ilan ang sangkot sa illegal Philippine offshore gaming operators (Pogos).
“China’s resolve to combat transnational crimes, including gambling and fraud, remains unwavering.”
Nagpaabot din ng pagnanais ang Beijing na ituloy ang pakikipagtulungan sa Manila sa pagtugis sa illegal gambling at online scams, sa kabila ng nagpapatuloy na tensyon naman sa pagitan ng dalawang bansa sa West Philippine Sea.
Matagal nang tinututulan ng China ang offshore gambling operations na target mismo ang kanilang mga mamamayan at nauna nang nanawagan para sa complete ban ng POGO establishments sa Pilipinas.
Noong 2024 ay inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabawal sa POGO. RNT/JGC