MANILA, Philippines – Pinasok at pinagnakawan ng apat na kawatan kabilang ang 21-anyos na babae ang isang barangay hall sa Navotas City, napaulat kahapon, Nobyembre 7.
Alas-7:00 ng umaga nang abutan pa ng isang tauhan ng barangay ang mga salarin sa loob ng Barangay Hall ng North Bay Boulevard North (NBBN) sa Pescador II St., habang papalabas na, tangay ang mga ninakaw na apat na laptop.
Hindi naman nagtagumpay na pigilan ng tauhan ng barangay ang isa sa mga suspek dahil tumulong ang tatlo nitong kasama hanggang sa tuluyan na silang nakatakas.
Sa follow-up operation ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, isa-isang nadakip ang mga suspek dakong alas-2:00 ng hapon, kabilang ang 21-anyos na bebot at tatlo niyang kasabuwat na may edad na 22, 23, at 25 sa magkakahiwalay na lugar sa Lungsod ng Malabon at Navotas at nabawi ang ninenok nilang apat na laptop na may kabuuang halagang P150,000.
Pinuri naman ni National Capital Region Office (NCRPO) Acting Director P/BGen. Christopher Abrahano sina P/BGen. Capili at kay Navotas police chief P/Col. Renante Pinuela sa mabilis na pagkakadakip sa mga suspek at pagkabawi sa gamit ng barangay na kanilang tinangay. Merly Duero