MONTEVIDEO, Uruguay – Hinimok ni Pope Leo XIV ang mga kabataan na huwag matakot sa pag-aasawa at pagbuo ng sariling pamilya sa gitna ng patuloy na pagbaba ng birth rate sa ilang bansa sa Latin America.
“Young people, dare to take the step of marrying and starting a family yourselves. Don’t be afraid of ‘forever’!” pahayag ng Santo Papa sa isang prayer vigil sa Estadio Centenario sa Montevideo.
Hinikayat din niya ang mga mag-asawa na maging bukas sa pagkakaroon ng mga anak kahit aniya ay inilalarawan minsan ng mundo ang pagkakaroon ng anak bilang isang “burden.”
Kasabay nito, hinikayat ni Pope Leo ang mga kabataang nakakaramdam ng bokasyon na huwag matakot tahakin ang priesthood o consecrated life.
Dumalo ang tinatayang 100,000 katao sa loob at paligid ng stadium para sa prayer vigil, bahagi ng pagbisita ng Santo Papa sa Uruguay.
Dumating ang panawagan ng Papa sa panahong nakararanas ang Uruguay at iba pang bansa sa Latin America ng pagbaba ng fertility rate.
Batay sa datos ng Economic Commission for Latin America and the Caribbean, nasa 1.4 anak kada babae ang fertility rate ng Uruguay noong 2024, kabilang sa pinakamababa sa Latin America. Ang regional average ay nasa 1.8 anak kada babae.
Ang pagbisita ni Pope Leo ang kauna-unahang papal visit sa Uruguay mula noong pagpunta ni Pope John Paul II noong 1988.
Bahagi ang Uruguay ng South America tour ng Santo Papa na kinabibilangan din ng Argentina at Peru. Mula Uruguay, nagtungo siya sa Argentina nitong Nobyembre 8 bago ang nakatakdang pagbisita sa Peru mula Nobyembre 11 hanggang 17. RNT