MANILA, Philippines – Iginiit ng Department of Foreign Affairs (DFA) na may legal itong kapangyarihang mag-isyu ng Philippine visas, taliwas sa pahayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na para lamang umano ito sa immigration authorities sa ilalim ng Department of Justice (DOJ).
Ayon sa DFA, malinaw na nakasaad sa Administrative Code of 1987 ang kapangyarihan ng mga Philippine consular office na mag-isyu ng visa at hindi ito nakadepende sa delegasyon ng DOJ.
Binanggit din ng kagawaran ang Vienna Convention on Consular Relations na kumikilala sa visa issuance bilang bahagi ng consular functions ng diplomatic missions.
Depensa rin ng DFA ang 14-day visa-free entry para sa mga Chinese national na ipinatupad alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang palakasin ang kalakalan, turismo, investment at people-to-people exchanges.
Sa ilalim ng Foreign Service Circular No. 2026-005, maaaring pumasok sa bansa ang mga Chinese national para sa turismo o negosyo nang hanggang 14 araw nang walang visa. Hindi ito maaaring palawigin o gawing ibang uri ng visa.
Sinabi ng DFA na anumang pang-aabuso sa visa-free privilege ay dapat imbestigahan ng law enforcement agencies ngunit hindi umano ito awtomatikong nangangahulugang ilegal o mali ang polisiya.
Tinanggihan din ng kagawaran ang mungkahing ipaubaya sa private service provider ang visa processing.
Aniya, maaaring tumulong ang pribadong kumpanya sa pagtanggap at pagproseso ng aplikasyon ngunit ang pag-apruba o pagtanggi sa visa ay sovereign function ng gobyerno.
Mariin ding itinanggi ng DFA ang alegasyong nag-iisyu ito ng pekeng pasaporte o sadyang nagpapahirap sa mga aplikante.
Ayon sa kagawaran, nakabatay sa New Passport Law ang mga dokumentaryong rekisito at identity verification upang maiwasan ang passport fraud.
Itinanggi rin ng DFA na itinuturing nitong negosyo ang pagbibigay ng passport at visa, at sinabing ang mga bayarin ay nakabatay sa itinakdang government schedule of fees. Dave Medina