MANILA, Philippines – Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko laban sa mga pekeng social media account na nagpapanggap bilang mga opisyal o tauhan ng pulisya.
Ito ay matapos madiskubre ang isang pekeng Facebook account na gumagamit ng larawan ni PNP chief Police Gen. Jose Melencio Nartatez Jr.
Ayon sa PNP, maaaring gamitin ang mga naturang account upang manloko, manghingi ng pera o kumuha ng sensitibong impormasyon mula sa mga biktima.
“We will not allow anyone to use the name of the PNP or its officials to deceive, intimidate, or take advantage of any of our kababayan,” ani Nartatez.
Iniutos na ng PNP chief sa Anti-Cybercrime Group (ACG) na imbestigahan ang pekeng account at tukuyin ang nasa likod nito.
Makikipag-ugnayan din ang PNP sa Meta upang makakuha ng impormasyon at mapreserba ang digital evidence bago maalis ang account.
Pinayuhan naman ang publiko na kumuha ng screenshot at itala ang mahahalagang detalye kapag nakakita ng kahina-hinalang account na nagpapanggap na opisyal ng PNP, at i-report ito sa Facebook at PNP-ACG.
Inatasan din ang mga police unit na bantayan ang iba pang pekeng account na maaaring ginagamit sa panloloko. Santi Celario