MANILA, Philippines – Target ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na umabot sa 60 milyon ang benepisyaryo ng Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) pagsapit ng katapusan ng 2027.
Ayon kay PhilHealth President at CEO Beverly Lorraine Ho, nasa 22 milyon na ang naka-enroll sa programa hanggang Oktubre 2026 at inaasahang aabot sa 27 milyon bago matapos ang taon.
Layunin ng YAKAP na hikayatin ang mga Pilipino na magpakonsulta nang maaga at hindi hintaying lumala ang kanilang kondisyon bago gamitin ang benepisyo ng PhilHealth.
Saklaw ng programa ang basic consultations, outpatient medicines at cancer screening.
Palalawakin din mula 75 patungong 135 ang saklaw na gamot simula Enero 2027, kabilang ang ilang dermatological medicines.
Maaaring makuha ng miyembro ang iniresetang gamot sa PhilHealth-accredited pharmacies nang walang ilalabas na pera, basta saklaw ito ng programa.
Ayon naman kay PhilHealth spokesperson Alfred Philip De Dios, layunin ng YAKAP na mabawasan ang hadlang sa pagpapakonsulta, partikular ang kakulangan sa pambayad na kadalasang dahilan kaya nahuhuli ang pagpapatingin ng mga pasyente.
Para makapagparehistro, kailangan ng PhilHealth Identification Number (PIN) at maaaring pumili ng accredited clinic sa pamamagitan ng eGovPH app o direktang magtungo sa participating clinic.
Maaari ring magpalit ng YAKAP provider tuwing open season mula Oktubre hanggang Disyembre. Dave Medina