MANILA, Philippines – Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng emergency cash transfer (ECT) sa mga magsasakang naapektuhan ng matinding tagtuyot dulot ng El Niño.
Ayon kay DSWD spokesperson Irene Dumlao, nakapagbigay na ng tulong sa ilang bahagi ng bansa, kabilang ang Cagayan Valley at Bicol Region.
Sa Region 2, partikular sa Isabela at Cagayan, mahigit P141 milyon na halaga ng humanitarian assistance ang naipamahagi sa mga apektadong rice at corn farmers.
Kabilang dito ang emergency cash transfers at family food packs.
Patuloy din ang pamamahagi ng cash assistance sa Camarines Norte.
Ayon kay Dumlao, mahigit P31 milyon na tulong pinansyal ang naipamahagi sa mga magsasaka sa Capalonga at Paracale na nasira ang mga pananim dahil sa tagtuyot.
Sinabi ng DSWD na may ilang magsasaka na tumigil muna sa pagtatanim dahil nangangambang masayang lamang ang kanilang puhunan at pagod.
Mahigit 191,000 pamilya na sa Cagayan Valley, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, SOCCSKSARGEN at Caraga ang naapektuhan ng El Niño.
Umabot na rin sa mahigit P189 milyon ang kabuuang humanitarian assistance na naipamahagi ng DSWD.
Samantala, nakikipag-ugnayan ang Department of Agriculture (DA) sa Department of Labor and Employment para mabigyan ng pansamantalang trabaho ang mga apektadong magsasaka sa ilalim ng TUPAD program.
Nagmungkahi rin ang DA ng P61.99-bilyong action plan upang mabawasan ang epekto ng El Niño sa suplay ng pagkain at kabuhayan. Santi Celario