MANILA, Philippines – Maagang pamasko ang hatid ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa mga empleyado ng pamahalaang lungsod at tinatayang 700,000 pamilyang Manileño.
Inanunsyo ni Domagoso sa flag-raising ceremony nitong Lunes, Nobyembre 9, na sabay-sabay na ilalabas sa Nobyembre 13 ang sahod, year-end bonus at ₱5,000 cash gift ng mga kwalipikadong city government employee.
Naglaan ang Manila City government ng ₱817.3 milyon para sa year-end bonus at cash gift ngayong 2026, kabilang ang ₱762.46 milyon para sa bonus at ₱54.85 milyon para sa cash gift.
Tiniyak din ng alkalde na may nakalaang benepisyo para sa Contract of Service (COS) at Job Order (JO) workers bilang pagkilala sa kanilang serbisyo sa lungsod.
Bukod dito, nakatakda ring mamahagi ang lokal na pamahalaan ng Christmas assistance sa tinatayang 700,000 pamilya sa Maynila.
Makakatanggap din ng Christmas packages ang mga senior citizen sa iba’t ibang distrito ng lungsod.
Pabirong pinaalalahanan naman ni Domagoso ang mga empleyado na huwag agad ubusin ang kanilang matatanggap.
“Masyadong maaga, baka naman pagdating ng Pasko ubos na,” biro ng alkalde.