QUEZON CITY – Bumaba ng 29 porsiyento ang dengue cases sa Quezon City mula Enero 1 hanggang Nobyembre 5, 2026 kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Batay sa pinakahuling dengue surveillance data ng lungsod, 7,340 kaso ang naitala ngayong taon mula sa 10,369 kaso noong 2025.
Gayunman, umabot sa 43 ang dengue-related deaths.
Sa kabuuang kaso, 3,201 o 44 porsiyento ay mga batang edad 10 pababa.
Pinakamaraming kaso ang naitala sa District 2 na umabot sa 2,654.
Dahil dito, hinikayat ng Quezon City government ang mga residente na regular na magsagawa ng search-and-destroy activities at clean-up drive upang maalis ang mga posibleng pamugaran ng lamok.
Pinayuhan din ang publiko na takpan ang mga drum, tangke, timba at iba pang lalagyan ng tubig, gumamit ng mosquito net at repellant, at magsuot ng long-sleeved na damit at pantalon.
Ang mga nakararanas ng sintomas gaya ng lagnat, sakit ng ulo at pananakit ng tiyan ay pinapayuhang agad magpakonsulta sa pinakamalapit na health center.
Libre rin ang dengue testing at konsultasyon sa mga health center ng lungsod. Santi Celario