MANILA, Philippines – Inakusahan ni Senator-judge Raffy Tulfo nitong Lunes, Nobyembre 9, ang isang defense witness na “lying through his teeth” sa ika-40 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Tumayong testigo si Davao City Assessor Engr. Jaime Adalin kaugnay sa natitirang article of impeachment laban kay Duterte, na nag-aakusa sa kanya ng pagkamal ng unexplained wealth at hindi tapat na pagdedeklara ng lahat ng kanyang ari-arian.
Sa cross-examination, ipinakita ni prosecution counsel at spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr. kay Adalin ang Google Maps view ng isang property sa Matina Crossing, Davao City na umano’y pag-aari ng asawa ni Duterte na si Atty. Manases Carpio.
Ang naturang property, ayon sa prosekusyon, ay hindi idineklara sa statement of assets, liabilities and net worth ni Duterte.
Sa isa sa tatlong larawan, makikita ang isang gusali na may signage na “Prime Bistro.”
Tinanong ni Tolosa ang testigo kung maaari niyang i-assess ang property at kung maaari itong ituring na residential.
Nang tumutol ang defense counsel na si Atty. Lindon Miguel Bacquel, iginiit ng prosecutor na nais lamang niyang subukin ang kredibilidad ng testigo “considering that he has been dodging questions left and right.”
Inutusan ni presiding officer Sen. Francis Escudero si Adalin na sumagot.
“Tulad nga ng sinabi ko, hindi ko naman alam kung yan ba yung subject property,” sagot ng testigo.
“Pero sa pananaw ninyo, bilang assessor, residential po ba ito o hindi? We’re not talking of the same property, Engineer Jimmy. Pag may nakita po kayo ganitong uri ng building, ang tingin nyo po ba dito ay residential o commercial?” tanong ni Escudero.
“Depende po yan kung ano yung gamit. Again, our basis is the actual use after inspection of the building. There are times na commercial ang building pero ang gamit is residential so magkakaiba po yan,” sagot ni Adalin.
Kalaunan, binalikan ni Senator-judge Raffy Tulfo ang isyu, at itinuro na malinaw na commercial property ang gusali batay sa signage nito.
“Natawa ako kanina, Mr. Presiding Officer. Nakalagay na nga yung Prime Bistro. Commercial yun, pag sinabing Prime Bistro. And yet sabi niya, commercial pero ginagamit residential,” ani Tulfo.
“He’s lying through his teeth, lumilitaw. Na para bang pinagloloko tayo, Mr. Presiding Officer…” dagdag pa niya.
Sumang-ayon si Senate President Sherwin Gatchalian na dahil malinaw na ginagamit bilang restaurant ang gusali, dapat itong iklasipika bilang commercial property.
“So kahit na residential ang zoning, pero ang pinaggagamitan ay restaurant e dapat i-classify yan as commercial,” ani Gatchalian. Ernie Reyes