Home HOME BANNER STORY DEPDev, kumpiyansang ‘di makaaapekto Super El Niño sa presyo ng bilihin

DEPDev, kumpiyansang ‘di makaaapekto Super El Niño sa presyo ng bilihin

6
0

MANILA, Philippines – Kumpiyansa ang Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) na hindi lubhang maaapektuhan ng Super El Niño ang presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa paghahandang ginagawa ng pamahalaan.

Ayon kay DEPDev Undersecretary Rosemarie Edillon, kinikilala ng ahensya na maaaring maging dagdag na presyur sa inflation ang matinding El Niño, partikular kung maaapektuhan ang lokal na produksyon ng pagkain.

Gayunman, umaasa siyang makokontrol ang posibleng epekto nito sa pamamagitan ng mga hakbang ng mga kinauukulang ahensya.

Sa panayam sa PTV nitong Lunes, Nobyembre 9, binigyang-diin ni Edillon ang kahalagahan ng maagap na paghahanda at regular na pagbabantay sa presyo ng mga bilihin.

Iminungkahi rin niya ang paggamit ng mga estratehikong kasunduan sa kalakalan upang madagdagan ang suplay mula sa ibang bansa sakaling mahirapan ang lokal na produksyon dahil sa kondisyon ng panahon.

Kabilang dito ang pagtiyak na may sapat na suplay ng mga produktong maaaring maapektuhan ng tagtuyot.

Samantala, iniulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na umakyat sa 7.8% ang inflation rate ng bansa noong Oktubre mula 7.2% noong Setyembre.

Gayunman, bumagal ang food inflation sa 6.4% mula 6.8% sa kaparehong panahon. Nagtala naman ng 20.7% inflation ang bigas, habang 19.3% naman sa mais.

Ayon sa PSA, kabilang sa pangunahing nagtulak sa pagtaas ng pangkalahatang inflation ang transportasyon na nagtala ng 20.1% inflation at housing, water, electricity, gas and other fuels na umabot sa 9.3%.

Sa hiwalay na pahayag noong Nobyembre 4, kinumpirma ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na umiiral na ang Very Strong El Niño sa Tropical Pacific.

Inaasahang magpapatuloy ang phenomenon hanggang unang kalahati ng 2027 at posibleng umabot sa pinakamataas na antas bago matapos ang taong 2026.

Nagbabala rin ang PAGASA na maaaring magdulot ito ng kakulangan sa ulan, dry spells at tagtuyot sa ilang bahagi ng bansa. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here