Home NATIONWIDE Pangilinan, De Lima umaasa pa ring tatakbong pangulo si Robredo sa 2028

Pangilinan, De Lima umaasa pa ring tatakbong pangulo si Robredo sa 2028

11
0

MANILA, Philippines – Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa sina Senador Francis Pangilinan at Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima na magbabago ang desisyon ni dating Vice President at kasalukuyang Naga City Mayor Leni Robredo na hindi na tumakbo sa pagkapangulo sa 2028 elections.

Ito ay matapos muling igiit ni Robredo nitong Lunes, Nobyembre 9, na sarado na ang posibilidad ng kanyang pagbabalik sa national politics.

Sa panayam, sinabi ni De Lima na bagama’t igagalang nila ang desisyon ni Robredo, umaasa pa rin siyang maaari itong magbago.

“Whatever her final decision, we’re going to respect that. But we’re still keeping our fingers crossed,” ani De Lima.

Ayon sa mambabatas, hindi pa napag-uusapan ng Liberal Party (LP) ang usapin ngunit naniniwala siyang marami sa kanilang mga kasapi ang umaasa pa ring tatakbo si Robredo.

Samantala, inihalintulad ni Pangilinan ang sitwasyon ni Robredo sa nangyari kay dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III bago ang 2010 presidential elections.

Paliwanag ng senador, una ring tumanggi si Aquino sa panawagang tumakbo sa pagkapangulo ngunit kalaunan ay nagdesisyong sumabak sa halalan.

“Sa 2028, naniniwala ako na taumbayan din ang magpapasiya at magtatagumpay para sa bayan,” ani Pangilinan.

Gayunman, mariing sinabi ni Robredo na matagal na niyang napagdesisyunang hindi na bumalik sa pambansang politika.

“Matagal nang sarado. Wala nang anything na makapagpapabago sa isip ko,” ani Robredo sa isang panayam sa Naga City.

Nilinaw din ng dating Bise Presidente na bukas siyang sumuporta sa ibang kwalipikadong kandidato, ngunit hindi na siya mismo ang sasabak sa presidential race.

Matatandaang tumakbo sa pagkapangulo si Robredo noong 2022 ngunit natalo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa kasalukuyan, nakatuon si Robredo sa kanyang tungkulin bilang alkalde ng Naga City. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here