MANILA, Philippines – Igigiit ng Pilipinas ang mas madaling pagkuha ng climate financing na hindi magdadagdag sa utang ng bansa sa ginaganap na 31st United Nations Climate Change Conference (COP31) sa Antalya, Türkiye.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), pangungunahan ni Secretary Juan Miguel Cuna ang delegasyon ng Pilipinas upang humingi ng mas malaking suportang pinansyal at teknikal mula sa international community para matugunan ang epekto ng climate change.
Kabilang sa pangunahing isusulong ng bansa ang grant-based funding para sa National Adaptation Plan (NAP) at iba pang programang magpoprotekta sa mga komunidad laban sa matinding init, pagbaha at malalakas na bagyo.
Nais din ng Pilipinas na pasimplehin ang proseso ng pagkuha ng ayuda mula sa Fund for Responding to Loss and Damage upang mas mabilis na makinabang ang mga komunidad na sinalanta ng kalamidad.
Babala ng DENR, maaaring umabot sa ₱645 bilyon kada taon ang pagkalugi ng Pilipinas pagsapit ng 2030s kung hindi mapipigilan ang lumalalang epekto ng climate change.
Bukod dito, tinatayang 11 milyong Pilipino ang maaaring makaranas ng mapanganib na heat index na lampas 42 degrees Celsius pagsapit ng 2030.
Samantala, muling igigiit ng bansa ang target nitong 75% pagbawas o pag-iwas sa greenhouse gas emissions kumpara sa inaasahang emissions sa ilalim ng business-as-usual scenario para sa 2025 hanggang 2035.
Batay sa updated Nationally Determined Contribution (NDC) ng Pilipinas, 7% lamang ng target ang nakatakdang maisakatuparan gamit ang sariling resources ng bansa, habang ang natitirang 68% ay nakadepende sa international financing, technology transfer at iba pang suporta.
Isusulong din ng delegasyon ang apat hanggang limang taong pagpapalawig ng Sharm el-Sheikh Mitigation Work Programme upang mas maiugnay ang mga pangako sa pagbabawas ng emissions sa aktuwal na pondo at teknolohiya.
Samantala, nananatiling hamon ang pagpapatupad ng climate commitments ng Pilipinas.
Ayon sa Climate Action Tracker, maaaring patuloy na tumaas ang greenhouse gas emissions ng bansa hanggang 2030 sa ilalim ng umiiral na mga polisiya, kabilang ang paggamit ng coal at fossil gas.
Binigyang-diin ng DENR na mahalagang maisalin ang mga pandaigdigang pangako sa konkretong tulong na mapapakinabangan ng mga Pilipinong higit na nanganganib sa epekto ng climate change. Santi Celario