Home HOME BANNER STORY Ekonomiya ng Pilipinas, bumagal sa 2.1%; pinakamahina mula 2021

Ekonomiya ng Pilipinas, bumagal sa 2.1%; pinakamahina mula 2021

6
0

MANILA, Philippines – Bumagal sa 2.1% ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas sa ikatlong quarter ng 2026, ang pinakamahinang naitala mula noong unang quarter ng 2021, kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Batay sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Lunes, Nobyembre 9, mas mababa ang naitalang gross domestic product (GDP) growth kumpara sa 2.4% noong ikalawang quarter ng taon at 4% sa kaparehong panahon noong 2025.

Huling nakapagtala ng mas mahinang quarterly GDP performance ang bansa noong unang quarter ng 2021, nang lumiit ang ekonomiya ng 3.8%.

Ayon sa PSA, kabilang sa mga sektor na humila pababa sa ekonomiya ang agrikultura, forestry at fishing na lumiit ng 4.8%, habang bahagya ring bumaba ng 0.003% ang industriya.

Samantala, lumago naman ng 3.7% ang services sector, na nanatiling pangunahing nagtulak sa ekonomiya.

Bumagal din ang paglago ng paggastos ng mga sambahayan sa 2.4%, habang bumaba ng 0.2% ang gross capital formation, na sukatan ng pamumuhunan sa mga kapital na ginagamit sa produksyon.

Ayon kay Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan, kabilang sa mga nagpabagal sa ekonomiya ang mataas na presyo ng pagkain at enerhiya na nakaapekto sa kakayahang gumastos ng mga Pilipino.

Kasunod ng paglabas ng GDP data, humina rin ang piso sa ₱63.31 kada dolyar nitong Lunes mula sa ₱63.055 noong Biyernes.

Bumagsak din ang Philippine Stock Exchange index (PSEi) ng 84.03 puntos o 1.46% upang magsara sa 5,677.92.

Tiniyak naman ng pamahalaan na magpapatupad ito ng mga hakbang upang mapabilis ang pagbangon at paglago ng ekonomiya sa mga susunod na quarter. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here