Home HOME BANNER STORY P27.4B DPWH projects na nakapangalan kay Romualdez, ‘di dumaan sa pagsusuri —...

P27.4B DPWH projects na nakapangalan kay Romualdez, ‘di dumaan sa pagsusuri — testigo

7
0

MANILA, Philippines – Hindi dumaan sa regular na pagsusuri ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang 444 infrastructure projects na nagkakahalaga ng ₱27.43 bilyon kung saan nakalista bilang proponent si dating House Speaker Martin Romualdez.

Ito ang inihayag ni DPWH Programming Division Chief Peter Paul Cortez sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division nitong Lunes, Nobyembre 9, kaugnay ng petisyon sa piyansa ni Romualdez sa kinakaharap nitong kasong plunder.

Ayon sa testimonya ni Cortez, hindi kasama ang mga naturang proyekto sa orihinal na Annual Budget Proposal ng DPWH at sa National Expenditure Program (NEP).

Gayunman, lumitaw ang mga ito sa 2025 General Appropriations Act (GAA) nang hindi umano dumaraan sa karaniwang evaluation at vetting process ng ahensya.

Ipinaliwanag ni Cortez na inilagay sa kanilang database ang pangalan nina Romualdez at dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co bilang mga proponent batay sa mga tagubilin ng yumaong DPWH Undersecretary Maria Catalina “Cathy” Cabral.

Sa pagtatanong ng mga mahistrado, sinabi niyang posibleng naipasok ang mga proyekto sa panahon ng bicameral conference committee deliberations, ngunit inilarawan niya ito bilang kanyang pagtataya.

Gayunman, sa cross-examination, inamin ni Cortez na wala siyang personal na kaalaman kung direktang hiniling ni Romualdez na ilagay ang kanyang pangalan sa listahan ng mga proyekto.

Hindi rin umano niya personal na natiyak kung pumayag ang dating Speaker na kilalaning proponent ng mga ito.

Nilinaw ng opisyal na ang kanilang tanggapan ay sumunod lamang sa impormasyong ipinadala mula sa opisina ni Cabral at hindi nito responsibilidad na beripikahin ang pagkakakilanlan ng mga nakalistang proponent.

Wala rin siyang personal na kaalaman kung may natanggap na komisyon o kickback ang mga mambabatas mula sa mga naturang proyekto.

Nauna nang itinanggi ni Romualdez ang mga alegasyon ng pagtanggap ng kickback mula sa mga proyekto ng pamahalaan.

Nahaharap ang dating Speaker sa kasong plunder kaugnay ng umano’y ₱7.4 bilyong ilegal na nakuhang pondo mula sa mga infrastructure project, kung saan naghain na siya ng not guilty plea.

Magpapatuloy ang pagdinig sa kanyang petisyon sa piyansa habang sinusuri ng Sandiganbayan ang mga ebidensya at testimonya ng mga saksi. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here