MANILA, Philippines – Walang balak magbitiw sa puwesto si Vice President Sara Duterte sa kabila ng mga ulat na mayroon na umanong sapat na boto sa Senado upang mahatulan siya sa kanyang impeachment trial.
Ito ang iginiit ng kanyang tagapagsalita na si Paolo Panelo sa panayam ng mga mamamahayag sa Senado nitong Lunes, Nobyembre 9, ayon sa ulat ng The Philippine Star.
Ayon kay Panelo, mananatili sa tungkulin si Duterte dahil inihalal siya ng taumbayan bilang Bise Presidente at naniniwala siyang wala siyang kasalanan sa mga paratang laban sa kanya.
Gayunman, wala pang kumpirmasyon sa mga ulat na nakakuha na ng sapat na boto ang prosekusyon para sa conviction.
Tinawag naman ni Senador Risa Hontiveros na premature o napaaga ang mga naturang ulat.
Hindi rin sinabi ni Panelo kung personal na dadalo o sasaksi si Duterte sa kanyang impeachment trial.
Aniya, kumpiyansa ang Bise Presidente na mapabubulaanan ng kanyang legal team ang mga akusasyon.
Samantala, nagsimula na ang depensa sa pagpresenta ng mga ebidensya sa Senado, kung saan unang tumestigo si Davao City Assessor Jaime Adalin.
Layunin ng kanyang testimonya na patunayang kabilang sa mga ari-ariang idineklara ni Duterte sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ang isang property sa Davao City na nakapangalan sa asawa nitong si Manases Carpio.
Ayon kay Adalin, iisang lugar lamang ang Barangay 74-A at Matina Crossing sa Davao City, na naging bahagi ng pagtatalo tungkol sa deklarasyon ng ari-arian.
Gayunman, kinuwestiyon ng prosekusyon ang pagkakaiba ng ₱6 milyong halaga ng property sa dokumento ng bentahan at ₱10 milyong nakasaad sa SALN ni Duterte.
Hindi rin lubusang natiyak ni Adalin sa cross-examination kung ang pinagtatalunang ari-arian ay siya ring nakatala sa SALN.
Nananatiling nakasentro ang impeachment trial sa mga alegasyon ng unexplained wealth, hindi kumpletong deklarasyon ng mga ari-arian at hindi pagtalikod sa ilang business interests.
Itinanggi ng kampo ni Duterte ang mga akusasyon habang nagpapatuloy ang pagdinig sa Senado. Dave Medina