Home NATIONWIDE Bato, ‘di pa rin matunton sa kabila ng 500 tips sa PNP

Bato, ‘di pa rin matunton sa kabila ng 500 tips sa PNP

4
0

MANILA, Philippines – Hindi pa rin natutunton ng Philippine National Police (PNP) si Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa kabila ng mahigit 500 impormasyong natanggap ng mga awtoridad tungkol sa posibleng kinaroroonan nito.

Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. nitong Lunes, Nobyembre 9, nagsagawa na ng mga operasyon ang mga pulis sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang beripikahin ang mga natanggap na impormasyon.

Kabilang sa mga lugar na sinuyod ang Western at Eastern Mindanao, Visayas, Bicol, Southern Tagalog, gayundin ang Northern at Central Luzon.

Sinabi ni Nartatez na umabot pa ang paghahanap sa mga liblib na isla at komunidad na kailangang lakarin nang ilang oras o tawirin ang maraming ilog bago marating.

May ilang lugar pa umanong unang beses lamang niyang narinig dahil sa lawak ng isinagawang operasyon.

Patuloy ang paghahanap kay Dela Rosa upang maipatupad ang arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng kasong crime against humanity of murder na may kinalaman sa madugong kampanya kontra ilegal na droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Batay sa opisyal na rekord ng ICC, inilabas ang warrant noong Nobyembre 6, 2025 at isinapubliko noong Mayo 11, 2026.

Naglaan naman ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng ₱50 milyong pabuya para sa impormasyong magreresulta sa pagkakahuli sa senador.

Samantala, tiniyak ni Nartatez na patuloy na nakikipag-ugnayan ang PNP sa iba pang law enforcement at intelligence agencies upang mapabilis ang paghahanap.

Nagbabala rin ang PNP chief na maaaring maharap sa administratibo at kriminal na kaso ang sinumang pulis na mapatutunayang humahadlang sa operasyon.

Iginiit niyang hindi titigil ang mga awtoridad hangga’t hindi naipatutupad ang arrest warrant laban sa senador. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here